Pinakahuling mga kaso ng pasistang panunupil
Hindi kukulangin sa 17 katao na sa iba't ibang dako ng Pilipinas ang pinaslang mula Enero sa walang humpay na pasistang kampanya ng rehimeng Arroyo laban sa mga progresibong organisasyon at partido at mga sibilyang pinaghihinalaang tagasuporta ng rebolusyonaryong kilusan. Isang progresibong lider din ang dinukot at di pa natatagpuan.
Dinukot ng ilang armadong lalaki noong gabi ng Marso 3 sa Baler, Aurora si Joey Estriber, 35, pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) sa prubinsya. Ayon sa mga nakasaksi, tinutukan siya ng baril at pwersahang isinakay sa isang pulang Kia Besta van na walang plaka. Mga elemento ng 48th IB ang hinihinalang dumukot kay Estriber. Hanggang ngayon ay hindi pa siya natatagpuan at pinangangambahang patay na.
Sa Quezon, walang awang pinaslang ng death squad ng rehimen noong Pebrero 28 si Napoleon Pornasdoro, 45, guro ng Quezon National High School at pinuno ng Southern Tagalog Teachers for Development (STATEMENT). Kasapi rin si Pornasdoro ng National Council ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) at dating upisyal ng BAYAN-Quezon.
Sa Northern Samar, dinukot, binugbog at pinatay ng mga elemento ng 20th IB noong Pebrero 25 ang sibilyang si Jose Agas, 65 sa Barangay E. Duran, Bobon matapos ang serye ng mga labanan sa pagitan ng militar at Bagong Hukbong Bayan. Pinatay din noong Pebrero 27 ng mga pinaghihinalaang militar si Oswaldo Galos, barangay kapitan ng Trujillo, Bobon at myembro ng Bayan Muna. Mahigit 2,000 katao na ang sapilitang nagbakwit mula nang simulan ng 20th IB, 82nd Recon Coy at 63rd IB noong Pebrero 9 ang malawakang operasyong militar at paglabag sa mga karapatang-tao ng mamamayan sa Bobon, Lope de Vega at Catarman sa Northern Samar at sa Oquindo District, Calbayog sa Samar.
Samantala, iniulat ni Jorge "Ka Oris" Madlos, tagapagsalita ng NDF-Mindanao, na mula Enero ng taong ito ay umabot na sa 14 na lider masa sa isla ang pinapaslang ng mga armadong galamay ng papet-pasistang rehimeng Arroyo. Kabilang dito ang tatlong lider ng komunidad sa Makilala, North Cotabato; isang lider ng samahang transportasyon sa Davao City; at 10 lider magsasaka—isa sa Cagwait, Surigao del Sur; tatlo sa San Luis, Agusan del Sur; isa sa Bislig City; isa sa Kitcharao, Agusan del Norte; at apat sa Cecilia, Bayugan, Agusan del Sur.
Sa Cagayan de Oro, nilooban at hinalughog noong gabi ng Marso 6 ng mga pinaghihinalaang tropa ng 4th ID ang upisina ng Bayan Muna-Northern Mindanao.
No comments:
Post a Comment