Ang ‘Pinakamasipag’ na Pasyente ng Heart Center
Si Crispin “Ka Bel” Beltran na ata ang “pinakamasipag” na pasyente ng Philippine Heart Center. Siya rin marahil ang detenidong pinaka-“busy” ngayon. Sa kabila ng kanyang pagkakasakit (“Nadiskubre ang imbalance sa red at white blood cells ko…”), di magawang iwan ni Ka Bel ang kanyang tungkulin bilang kinatawan ng partidong Anakpawis sa Kamara. Sa kanyang kuwarto sa ospital, nakatambak ang sangkatutak na dokumento na may kinalaman sa halos lahat ng isyung pambayan.
“Paano po kayo nagrerelaks sa ganyang kalagayan ng kalusugan ninyo?” tanong namin.
“Nagbabasa ako ng mga dyaryo…Lalo na yung tungkol sa political killings.”
Nakakabilib ang enerhiya ni Ka Bel. Sa kabila ng pagkakasakit, patuloy siyang nakikisangkot sa mga deliberasyon sa Kamara ngayong pagbubukas ng ika-13 regular na sesyon nito. Sa pamamagitan ng kanyang masisipag na istap at kapwa kinatawan ng Anakpawis na si Rafael Mariano, nagagawa pa niyang magsumite ng mga resolusyon, manipestasyon at panukalang batas.
Hindi rin matatawaran ang lalim at lawak ng kaalaman ni Ka Bel hinggil sa mga isyung bumabagabag ngayon sa taumbayan. Sa usapin, halimbawa, ng nawawalang pondo ng Overseas Filipino Workers sa Owwa (Overseas Welfare Workers Administration) na ginamit diumano ni Arroyo sa halalang 2004, mistulang encyclopedia ng datos si Ka Bel. Sa aming panayam, hinugot ni Ka Bel mula sa memorya (walang kodigo) ang kronolohiya ng naturang kontrobersiya:
“Orihinal talaga tayong tumutol diyan. Nagsumite tayo sa Kamara noong Agosto 20, 2003 ng House Resolution No. 1280. Pagkatapos sinundan iyan ng House Resolution No. 1360, kasama pa namin si Kongresman Roseller Barinaga, at sinundan ng House Resolution No. 1018 authored by Barinaga at Ruben Torres saka Victor Sumulong. Lahat ng ito kumukuwestiyon sa pagkuha sa P4.5-Bilyon mula sa Owwa fund tungo sa Philhealth, certified noong June 30, 2003, March 12, 2003, at February 28, 2003…”
“Kaya pala, Ka Bel, galit na galit sa inyo si Gloria,” sabi namin. Napatawa lang siya.
Mahigit limang taon nang nasa kustodiya ng PNP (Philippine National Police) si Ka Bel. Inaresto siya nang walang “mandamyento de aresto” noong Pebrero 25 ng mga armadong tauhan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group sa pangunguna ng isang Maj. Rino Corpus habang paalis sa kanyang bahay sa Lungsod San Jose del Monte, Bulacan. Deklarado na noon ni Presidente Arroyo ang State of National Emergency.
Kung anu-anong kaso ang isinampa sa kanya. Nauna na ang inciting to sedition noon pang panahon ng Batas Militar. Ngunit di umubra dahil sa immunity ni Ka Bel bilang mambabatas. Isinunod naman ang kasong rebelyon. Sa kabila ng mahinang kaso ng DOJ (Department of Justice), nanatili ang kaso. Nakapiit pa rin si Ka Bel.
“Ang pumipigil na lang sa akin na huwag nang tuluyang maniwala sa sistema ng hustisya ay ang Korte Suprema…”
Noong Hunyo 5, naglabas ang Korte Suprema ng Status Quo Order sa DOJ na itigil ang preliminary investigation laban kay Ka Bel at sa tinaguriang Batasan 5 habang di pa ito nagdedesisyon sa pagsampa ng kaso laban sa anim. Ayon pa kay Ismael Khan, tagapagsalita ng Korte Suprema, sakop ng naturang order ang mga pagdinig sa kasong rebelyon sa sala ni Judge Reinato Quilala ng Makati Regional Trial Court Branch 146.
Ngunit nilabag ito ni Quilala sa pamamagitan ng kanyang order noong Hunyo 222 na pumapayag sa mosyon ng DOJ na ikonsolida ang kaso ng Batasan 5 at ni Ka Bel. Ngayong Agosto 2 naman, nag-iskedyul si Judge Elmo Alameda ng MRTC Branch 150 ng clarificatory hearing kaugnay ng kaso ng anim.
Sa kabila nito, nananatiling mataas ang loob ni Ka Bel. Lalong nakakapaglakas ng loob niya ang laksa-laksang tagasuporta. Siyempre, lalong nakakapagpataba ng loob, aniya, ang lumalaking bilang ng mga mamamayang nananawagan na ngayon ng pagpapatalsik kay Arroyo.
“Kung di man siya mapatalsik ngayong taon, sa 2007 sigurado na siya. Basta nagkakaisa lang tayo,” sabi ni Ka Bel.
Mula sa piitan, pansamantalang nahihiwalay sa mga mamamayang walang sawa niyang pinaglilingkuran, si Ka Bel ay nananatiling inspirasyon.
pangkulitan.motime.com
No comments:
Post a Comment