Thursday, June 01, 2006

Oplan Bantay Laya

Oplan Bantay Laya

Programang Kontra-Insurhensiya, Aktibista ang Puntirya

Lumabas sa Pinoy Weekly (24-30 Hunyo 2006)
Kenneth Roland A. Guda

PLANADO at sistematiko ang ginagawang pagpatay sa mga aktibista batay sa OBL (Oplan Bantay Laya), kampanyang anti-insurhensiya ng gobyerno Arroyo. Nakapadron ang kampanyang OBL sa nagdaang kampanya ng US laban sa rebolusyonaryong paglaban ng mga mamamayan ng Vietnam.

Noong 1964, mayabang na idineklara ng bagong talagang US Gen. William Westmoreland na tatapusin ng kanyang tropa ang giyera sa Vietnam sa loob ng tatlong buwan. Hindi natapos sa loob ng tatlong buwan ang giyera. Nabigo ang US na gapiin ang komunistang Hilagang Biyetnames sa loob ng 11 taon sa kabila ng paggamit ng marahas na pamamaraan (kumbensiyonal na pakikidigma, carpet bombing, malawakang pagpatay kapwa sa sibilyan at armadong kaaway at pagmamalupit sa sibilyan at bihag).

Dito sa Pilipinas, ginaya ng AFP (Armed Forces of the Philippines) ang mga yapak ni Westmoreland at nagbuo ng limang taong programa para sugpuin ang lumalakas na rebolusyonaryong kilusan ng CPP-NPA-NDF (Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front).

Layunin ng OBL na sugpuin ang paglaban ng mga Moro sa Mindanaw (MILF at MNLF, kasama na rin ang Abu Sayyaf). Puntirya din nito ang CPP-NPA-NDF na itinuturing ng gobyerno na “pangunahing banta sa seguridad ng estado.”

“We have been in this game for decades. Perhaps it is high time to put into play an end-game strategy that will terminate this lingering problem,” sabi sa kongklusyon ng Briefing Paper hinggil sa OBL na nakuha ng Pinoy Weekly mula sa ayaw magpakilalang impormante.

Sa mga dokumentong nakalap hinggil sa OBL, may pagkakapareho ito sa mga dati nang programang kontra-insurhensiya ng mga nakaraang rehimen. Tulad ng pangako ng mga nakaraang rehimeng Marcos, Aquino, Ramos, at Estrada, ipinapangako ng gobyerno Arroyo na sa pamamagitan ng tapat na implementasyon ng OBL mapipigil ang paglago ng at di malao’y madudurog, ang rebolusyonaryong kilusan.

'Win-Hold-Win’

Sa Briefing Paper ng DND (Department of National Defense), ipinapatupad ngayon ang estratehiyang “Win-Hold-Win “sa ilalim ng OBL.

Dito, tinutukoy ng pamunuan ng AFP ang mga “prenteng gerilya” na maituturing na konsolidado at malalakas ang mga NPA. Tinukoy ng AFP ang pitong prayoridad na rehiyon sa bansa.

“Strategic Holistic Approach” o SHA diumano ang gagamitin ng AFP sa bawat prayoridad na lugar na pagbubuhusan ng atakeng militar, pulitikal, at sikolohikal. Sa terminolohiya ng militar, gumagamit sila diumano ng “Triad Approach” (combat, intelligence at civil-military operations). Tatlo hanggang anim na buwan ang nakalaang panahon para durugin ang kapangyarihang pampulitika ng rebolusyonaryong kilusan sa isang larangan.

Sa operasyon ng SHA, katuwang ng militar ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno Arroyo at ikinokoordina sa mga lokal na pamahalaan. Ipinapatupad nila ang iba’t ibang proyektong “kontra kahirapan” tulad ng CARES (Community Assistance and Rural Empowerment through Social Services), ACCORD (Army Concern on Community Organizing for Development) at ALPS (Army Literacy Patrol System) na ang layunin lamang ay suyuin ang mga tao sa komunidad pabor sa militar at gobyerno.

Pangunahing nagpapatupad ng OBL ang RSOT (Reengineered Special Operations Team) ng AFP na ang pakay ay wasakin ang “pampulitikang imprastraktura” ng CPP-NPA-NDF sa mga probinsiya. Katuwang ng militar dito ang mga itinatatag nitong organisasyong kontra-komunista, mga grupong paramilitar (tulad ng CAFGU), at ang itinatatag din nitong Barangay Intelligence Network.

‘Prenteng organisasyon’

Upang epektibong “madurog” ang rebolusyonaryong kilusan sa mga probinsiya, sinasabi ng OBL na kailangang pagtuunan ng pansin ang pagdurog di lamang sa mga organisasyon sa ilalim ng CPP-NPA-NDF kundi maski sa mga legal na organisasyong itinuturing nitong “prenteng organisasyon” ng mga komunista.

Sa ilalim ng OBL, ipinapakalat ng militar ang mga maling impormasyon na bahagi diumano ng kabuuang istruktura ng CPP-NPA-NDF ang mga legal na organisasyon tulad ng Bagong Alyansang Makabayan, Kilusang Mayo Uno, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, at Gabriela, at mga progresibong partido tulad ng Bayan Muna, Anakpawis at Gabriela Women’s Party.

Pangunahing ipinamumudmod ng militar ang mga kopya ng “Knowing the Enemy,” isang polyeto (may kasabay na powerpoint presentation) na naglalaman ng mga paratang na ito para linlangin ang publiko.

Nakakuha ang Pinoy Weekly ng kopya ng isang memorandum na inilabas noong Setyembre 3, 2004 ng DND at nilagdaan ni Commodore Tirso Danga, Deputy Chief of Staff for Intelligence (J2) ng AFP. Sa ilalim ng subject na “Target Research for Sectoral Organizations,” nakasaad sa memo ang atas ng pamunuan ng AFP sa iba’t ibang yunit at lebel ng militar na magsagawa ng sistematikong paniniktik at pangangalap ng impormasyon hinggil sa mga legal na progresibong organisasyon.

Layunin diumano ng atas na iparating sa mga nakabababang yunit ng militar ang halaga ng mga “prenteng organisasyon” sa kabuuang rebolusyonaryong kilusan. Binigyang-diin ng pamunuan na huwag “maliitin ang kontribusyon” ng mga sektoral na organisasyon “from the ranks of labor and peasantry to the professionals.”

Sa memo, payo si Danga na “[e]xtreme caution, however, should be observed, as the objects and subjects of this undertaking are mostly legal organizations duly recognized not only by the local community or public at large, but also by the National Government itself.” Sa direktibang inilabas ng DND noong Setyembre 24, 2004 na nilagdaan ni Danga, nakasaad ang pangangailangan ng pagkonsolida ng impormasyong nakakalap ng iba’t ibang ahensiyang paniniktik ng gobyerno at militar hinggil sa mga sektoral na organisasyong kumikilos sa legal na arena. Tinaguriang ITA (Intelligence Task Allocation) ang hakbang na ito.

Mula sa mga nakalap na impormasyon, bubuo ang ISAFP (Intelligence Service of the AFP) ng isang action plan para sa sistematikong paniniktik at counterintelligence operations laban sa mga sektoral na organisasyon. Batay sa paniniktik at sa nakalap na impormasyon ng ISAFP, bubuuin ang plano sa “niyutralisasyon ng liderato ng pinaprayoritisang prente ng CTM (Communist-Terrorist Movement) sa pitong (7) pinaprayoritisang rehiyon.” (Salin mula sa orihinal na Ingles)

Sa dokumentong “Institutionalizing the Conduct of Target Research As a Major Component in the Intelligence Project Preparation in Particular, and Intelligence Cycle Process, in General” ng DND noong Setyembre 2004, nakasaad na may tatlong phase ang OBL.

Una, mula Setyembre 2004 hanggang Hunyo 2005, ang pagsasanay sa mga operatiba ng AFP para sa pagsasagawa ng malawakang pananaliksik hinggil sa “sectoral and NDF front organizations.” “This effort is a shift from the traditional area study that was being undertaken for three (3) decades but never produced a major input in the AFP’s counter-insurgency operations,” ayon sa dokumento.

Sa ilalim ng phase na ito naganap ang validation ng naturang research sa hinahawakang OB (Order of Battle) ng AFP na naglalaman ng mga miyembro at personalidad ng mga sektoral na organisasyon.

Nagsimula ang pangalawang phase noong taong 2005, ang pinal na output ng pananaliksik ay ipiprisinta sa iba’t ibang tactical intelligence units ng militar para sa kani-kanilang paniniktik ng mga sektoral na organisasyon.

Nagpatuloy ang paniniktik sa pangatlong phase, sinimulan noong Hunyo 2005, na nakatuon hindi lamang sa mga sektoral na organisasyon kundi sa mga personalidad na namumuno sa mga organisasyong ito.

Ayon sa dayagram ng DND, mula sa pagsasala at pag-aanalisa ng impormasyon sa iba’t ibang lebel, magsasagawa na ng “estratehikong desisyon” para sa “niyutralisasyon” ng mga naturang organisasyon.

May Basbas ng Malakanyang?

Sa pag-aaral ng Karapatan(Alyansa sa Pagtataguyod ng Karapatang Pantao), lumalabas na may opisyal na polisiya ang gobyerno Arroyo para likidahin ang mga lider at miyembro ng mga militanteng organisasyon na itinuturing nitong “prente ng komunista.”

“There exists a nationwide state policy of execution and persecution – and that is the reason for all these killings, enforced disappearances and political persecution of so-called leftist leaders,” sabi ni Marie Hilao-Enriquez, pangkahalatang kalihim ng Karapatan.

Habang sinusulat ang artikulong ito, 601 sibilyang miyembro o lider ng mga legal na militanteng organisasyon na ang napapatay ng mga pinaghihinalaang militar magmula noong 2001.

Itinatanggi ng gobyerno Arroyo ang paratang na may opisyal na polisiya ang gobyerno na patayin ang mga militante. Dati nang kinumpirma ni Gen. Jose Angel Honrado, tagapagsalita ng AFP, na mayroong ipinapatupad ng Oplan Bantay Laya ang AFP ngunit di umano dito bahagi ang mga “makakaliwang grupo.”

Ngunit kung pagbabatayan ang dayagram ng DND, lumalabas na mismong Malakanyang ang may kontrol sa pangangalap ng impormasyon at paniniktik sa mga militanteng grupo. Ayon sa dayagram, nasa kamay ng COC-IS (Cabinet Oversight Committee for Internal Security) ang desisyon sa mga pamamaraan ng “niyutralisasyon” batay sa ibinigay na impormasyon.

Kabilang sa mga miyembro ng COC-IS ay sina Executive Sec. Eduardo Ermita, National Security Adviser Norberto Gonzales, Justice Sec. Raul Gonzalez, Defense Sec. Avelino Cruz, AFP Chief of Staff Gen. Generoso Senga, at PNP (Philippine National Police) Director-General Arturo Lomibao.

Lumang plano?

Walang pagkakaiba ang OBL o kahit ang mga taktika ni Gen. Westmoreland noong panahon ng giyera sa Vietnam noong dekada ’60. Luma na ito kung ikukumpara sa mga nagdaan nang programang kontra-insurhensiya ng mga nakaraang administrasyon.

Katunayan, maaring may direktang koneksiyon pa ang mga marahas na pamamaraan sa digmaan ni Westmoreland at ang pamamaraan ng gobyerno Arroyo.

Isinagawa rin ni Westmoreland ang pamamaslang sa mga pinagsususpetsahan pa lamang na tagasuporta ng rebolusyonaryong kilusan sa ilalim ng Operation Phoenix sa Vietnam. Noong panahong ipinapatupad ito, nasa Vietnam din si Eduardo Ermita na nagsasanay sa mga operasyong kontra-insurhensiya kasama ang ngayong hepe ng intelligence sa US na si John Negroponte.

Nakabalangkas ang OBL sa kabuuang giyera ng US “kontra terorismo,” kung kaya mahigpit ang suportang ibinibigay ng gobyernong US sa gobyerno Arroyo at sa AFP. Noong 2004 lamang, nagbigay ang US ng $4.6-Bilyong military and economic package sa gobyerno Arroyo na itinuturing nitong “major non-NATO ally.” Dagdag pa rito ang $30-Milyong suportang ibinibigay ng US para sa mga pagsasanay kontra-terorismo.

Kasaysayan na lamang ang magpapasya kung magiging matagumpay ang OBL na pukasin ang rebelyon sa bansa. Ngunit kung pagbabatayan ang karanasan ng mga mamamayang Biyetnames, gayundin ang karanasan natin sa mga gobyerno nina Marcos, Aquino, Ramos at Estrada, masasabing malabong magtagumpay ang isang programang gumagamit ng marahas na solusyon sa halip na pagtuunan ang mga ugat ang rebelyon.

No comments: