Sunday, May 14, 2006

Gloria Arroyo, hinatulang maysala

Ika-22 selebrasyon ng Araw ng Cordillera
Gloria Arroyo, hinatulang maysala

Hinatulang guilty o maysala ng Cordillera Peoples' Tribunal ang rehimeng Arroyo sa mga kasong terorismo ng estado at pambansang pang-aapi. Ang Cordillera Peoples' Tribunal ay binubuo ng mga kinatawan ng mga lider ng mga pambansang minorya at iba't ibang sektor sa Cordillera. Ang Tribunal ang pinakatampok na aktibidad sa selebrasyon para sa ika-22 taong Araw ng Cordillera na ginanap noong Abril 23-24 sa Ag-agama, Western Uma, Lubuagan, Kalinga.

Ito ang ikalawang pagkakataon na nagsagawa ng paglilitis ang mamamayang minorya sa Cordillera. Ang una ay noong 1989 nang si Conrado Balweg, lider ng Cordillera Peoples' Liberation Army (CPLA) ay nilitis sa kasong pakikipagsabwatan sa rehimeng Aquino sa pagpapatupad ng patakarang "totar war," at mga pagpaslang sa mga sibilyan, kabilang na si Ama Daniel Ngayaan, respetadong lider ng Kalinga na kasama ni Macliing Dulag sa pakikibaka laban sa Chico dam noong panahon ng diktadurang Marcos.

Pitong kaso ang isinampa ng mamamayan mula sa iba't ibang prubinsya ng Cordillera laban kay Arroyo:

1. Paglabag sa karapatan ng mga pambansang minorya sa kanilang lupang ninuno at pinagkukunan ng kabuhayan sa pamamagitan ng pagpapapasok ng rehimen sa malalaki at mapaminsalang mga minahan at dam;

2. Paglabag sa karapatan ng mga minoryang magsasaka sa pamamagitan ng pagtutulak sa liberalisasyon ng agrikultura na nagpapapasok ng imported na mga gulay na pumapatay sa lokal na industriya ng gulay;

3. Komersyalisasyon ng kultura ng mga pambansang minorya sa pamamagitan ng pagsasagawa ng iba't ibang festival na nagsisilbi lamang sa turismo;

4. Paglabag sa karapatang pangkabuhayan ng mga maralita ng lunsod at mga manggagawa sa pamamagitan ng mababang pasahod, pagkakait sa kanila ng kasiguruhan sa trabaho at demolisyon ng kanilang mga bahay;

5. Pagpapabaya at pagkakait ng gubyerno ng mga serbisyong pangkalusugan, pang-edukasyon at iba pang batayang serbisyo;

6. Militarisasyon; at

7. Pampulitikang panunupil sa progresibong kilusang masa sa Cordillera at pamamaslang sa mga lider at myembro nito.

Inilahad ng mga delegado mula sa iba't ibang prubinsya ang mga ebidensyang nagpapatunay sa mga kasong isinampa nila sa pamamagitan ng mga katutubong kanta at tula at pagsasadula ng mga pangyayari tulad ng paniniktik sa mga ligal na opisina, pagpatay ng militar sa isang magsasaka sa Mountain Province, gayundin ang pagpaslang sa tatlong lider aktibista na sina Romeo Sanchez, Jose "Pepe" Manegdeg at Albert Terredaño. Si Sanchez, Bayan Muna coordinator ng Ilocos ay pinaslang noong Marso 2005. Sina Manegdeg, tagapagtaguyod ng karapatang-tao, at si Terredaño, isang unyonista, ay pinaslang noong Nobyembre 2005.

Dahil sa bigat ng mga ebidensya laban kay Arroyo, hinatulan siyang maysala at sinentensyahang maalis sa pagkapangulo at managot sa mga kasong isinampa sa kanya. Fetad (digmang tribo) ang idineklara ng lupon na parusang nararapat na ipataw kay Arroyo. Sinang-ayunan ito ng mga lider minorya at mandirigma ng mga tribo sa iba't ibang prubinsya ng Cordillera sa pamamagitan ng pagsasagawa ng sayaw pandigma (war dance). Isang imahen (effigy) ni Arroyo ang pinagsisibat ng mga katutubong mandirigma.

Pagkatapos ng paglilitis, pinarangalan ang mga martir ng Cordillera. Nagpahayag ang mga anak ni Sanchez na ipagpapatuloy nila ang nasimulan ng kanilang ama, samantalang nanawagan ng hustisya para sa pagkakapaslang ng kanyang asawa ang maybahay ni Terredaño.

Isang muhon naman ang pinasinayaan sa Cagaluan, Pasil, Kalinga bilang parangal kay Ama Ngayaan, na dinukot at pinatay ng CPLA noong Oktubre 5, 1987 sa Cagaluan. Hanggang ngayo'y di pa natatagpuan ang kanyang mga labi. Ang muhon ay nagsisilbing paalala sa mga naging sakripisyo at kontribusyon ni Ama Ngayaan sa kilusang masa para sa pagtatanggol sa lupa, buhay at kayamanan ng mga pambansang minorya sa Cordillera.

Nanawagan din ang mga nagsidalo na ibasura ang Philippine Mining Act of 1995, itigil ang militarisasyon at etnosidyo, itigil ang pampulitikang panunupil at Oplan Bantay Laya at ilantad at tutulan ang "cha-cha."

Sa huling gabi ng selebrasyon, itinanghal ng Dap-ayan ti Kultura ti Cordillera ang dulang "Panagsubli" ("Pagbabalik") na sumasalamin sa mga isyu at problemang kinakaharap ng mga mamamayan sa Cordillera at ang panawagan sa kanila upang kumilos at lutasin ang mga ito.

Umabot sa halos 4,000 delegado ang dumalo mula sa iba't ibang panig ng bansa. Halos 70 ring delegado mula sa Taiwan, Belgium, Malaysia, Japan, US, Canada, Australia, Germany at Denmark ang nakibahagi sa selebrasyon.

No comments: