Inday Grecil
Ni Frankie del Rosario
Saksi ang naulilang sapa
Noong lumisan ka.
Ang kanilang mga balak
Ang nagpaitim sa tubig
Kaya't doo'y di ka na nakapaglaro.
Tumakbo kang papalayo sa sapa
Pabalik sa niraratrat na dampa.
Nag-alala ka.
Di mo nabatid,
Wala na roon ang iyong ama't ina
Wala na rin doon ang iyong mga kapatid.
Di mo na sila naabot ng iyong yakap.
Di na rin nila nayugyog ang iyong
pag-aalala.
Sapagkat bumaon sa lupa
ang iyong mga yapak.
habang ang mga punglo
ay humagibis sa iyong siko
at ang isa'y dumurog
sa mura mong bungo.
Inday Grecil,
Noong bago ka tuluyang paslangin,
Walang nakarinig sa impit mong daing
Maliban sa kanila.
Sila na may maitim na balak,
Mga berdugong nag-piyesta sa iyong bangkay
Isang ripple ng M-16
na halos kasintaas mo
Ang sa iyo'y pilit pina-angkin
Upang ituro ka bilang salarin.
Inday Grecil,
sakali mang dumaing ka
Bago ang bungo mo'y pasabugin
Walang nakarinig sa impit mong daing
Maliban sa kanila.
Ngunit, ayaw nilang mabuhay ka.
Dahil saksi ka laban sa kanila
mga berdugong humihiklas ng hininga
at pumapaslang ng mga pangarap
Ng maraming Ama at Ina
At ng gaya mong bata.
Inilathala ng Bulatlat
Si Grecil Buya ay siyam na taong gulang noong siya ay paslangin ng mga militar ng 67th Infantry Battalion ng AFP sa Purok 5, Brgy. Kahayag New Bataan, Compostela Valleynoong ika 31 ng Marso, 2007. Ilang araw lang ito pagkatapos ng kanyang recognition sa Grade 2 sa Simsemin Elementary School kung saan siya kinilala bilang isa sa pinakamahusay na estudyante at Most Neat. Ngunit ayon sa militar, siya diumano ay isang batang mandirigma na kasapi ng New People's Army (NPA). Patunay nito, ayon sa militar, ang isang M16 na itinutok sa kanila ni Grecil kaya nila ito binaril.
No comments:
Post a Comment