November 7, 2005
NEUTRAL CUSTODY PARA SA BIKTIMA - GABRIELA
"Neutral custody ang kailangan ng biktima sa halip na temporary shelter lamang sa SBMA. Dapat ilagay ang biktima sa isang organisasyong pangkababaihan o sa simbahan. Ang SBMA ay ahensya ng gubyerno na pro-VFA kung kaya maaaring nilang impluwensyahan ang desisyon ng biktima na huwag ituloy ang kaso. Sa ngayon nga ay naka-shut off na sa publiko ang katayuan ng mga akusado," ayon kay Lana Linaban, deputy secretary general ng GABRIELA.
"Dapat ring ipalabas na ng gobyernong Arroyo ang anim na US Marines na suspek sa panggagahasa sa isang Pilipina at ikulong sa kagyat na panahon habang nililitis ang kaso."
Ito ang mariing panawagan ng militanteng grupong GABRIELA sa kanilang ikatlong araw ng kilos-protesta sa tapat ng US Embassy upang muling kalampagin ang gubyerno ng Pilipinas at US na iharap na sa publiko ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo ang mga sexual terrorists.
"Kayang-kayang kunin ni Ginang Arroyo ang physical custody sa mga suspek kung desidido lamang siya na hilingin ito sa US ngunit hanggang ngayon ay wala pa siyang aksyon kaugnay nito. Kung gaano kabilis si Ginang Arroyo na maglabas sa publiko ng nahuhuli nitong mga kriminal o pinaghihinalaang terorista tulad ng ginawa nito kay Sahiron, siya namang bagal sa paglalabas nito sa publiko ng mga sundalong Kano," ani Linaban.
Ani pa ni Linaban, hindi rin umano dapat ituring na isolated ang kaso tulad ng sinabi ni Bunye. Tinukoy ni Linaban bilang mga krimen ng mga sundalong Kano sa bansa ang 1,260 kasong isinampa sa Clark, Pampanga habang 2,005 kaso naman ang isinampa sa Subic mula 1980 hanggang 1988 laban sa mga sundalong Kano, kabilang dito ang 15 kaso ng pang-aabusong sekswal sa mga bata at 82 kaso sa kababaihan, ngunit na-dismiss ang lahat ng kasong ito habang marami pa ang hindi naiulat.
Ginawa ring halimbawa ni Linaban ang naiulat na kaso ng 18 batang nahawaan ng AIDS at iba pang sexually transmitted diseases (STDs) noong 1983 pagkatapos gamitin bilang pang-aliw ng mga sundalong Kano. Itinago at idinetine ang mga bata sa isang ospital sa pagtatangkang itago ang pananagutan ng mga sundalong Kano. Sa kaso naman ng isang US serviceman na si Larry Venaska noong 1992, bigla na lamang itong naglahong parang bula matapos sampahan ng kaso ng sekswal na pang-aabuso ng isang Pinay.
Noong Agosto 2000 naman, namatay ang dalawang bata at nasugatan ang isa pa nang sumabog ang isang bombang naiwan ng mga sundalong Kano at Pilipino sa isang patagong military exercise (Flash Piston exercises) sa Cebu. Binigyan ng US ng immunity ang kanilang mga tauhan at binayaran ang pamilya ng mga biktima para iurong ang kaso.
Pinangambahan ng GABRIELA na muling maulit ang ganito matapos mapaulat na inaareglo na ang kaso ng biktima. At isiping ang mga napapabalitang Malacanang mismo ang nag-aasikaso ng pag-areglo sa kaso!
VFA, IBASURA!
Samantala, kinondena ng GABRIELA ang pahayag ng Malacanang na hindi maaapektuhan ng kaso ang patuloy na pagsasagawa ng US-RP joint military exercises sa bansa. "Senyales din ito ng kawalan ng interes ni Ginang Arroyo na hadlangan ang maaari pang maganap na pang-aabuso sa mga Pilipino dulot ng VFA na yumuyurak hindi lamang sa soberanya at kalayaan ng bansa kundi nagdudulot pa ng ibayong karahasan sa ating kababaihan," ayon pa kay Linaban.
Muling nananawagan ang GABRIELA sa kagyat na pagbabasura sa VFA at pagpapalayas sa sundalong Kano sa bansa. ###
No comments:
Post a Comment