KRITIKA
Teo S. Marasigan
Para kay Nanay Concepcion
Madaling araw na po ng Hulyo 22 ngayon. Birthday na po ni Karen. Bukas, kayo ang magdiriwang ng kaarawan. Sa makalawa, ako naman. Tiyak po akong iisa ang hiling natin ngayon sa mga kaarawan natin: ang ilutang at palayain sina Karen at Sherlyn.
Lagi po kayong ikinukwento ni Karen noon, partikular ang pag-aalaga ninyo sa kanya. Sa inyo po galing ang islogan naming magkaibigan: "Kapag gutom, kumain." Mapili po kasi siya sa pagkain noon, ano? Pero dahil sa paglubog sa batayang masa – sa mga komunidad ng maralitang lungsod noong una, pagkatapos ay sa mga magsasaka – at sa laging paalala ng islogan ninyo, marami siyang natutunang kainin, lalo na ang mga gulay at isda na noong una'y ayaw niya. Noong minsan, napadalaw kami sa bahay ninyo. Nagkita rin po tayo noong kinuha ninyo ang mga gamit niya sa bahay namin.
Ngayon, humahanga po ako sa tatag at tapang na ipinapakita ninyo sa paglaban para sa pagpapalutang at pagpapalaya kina Karen at Sherlyn. Kalmado at buo ang loob ninyo noong unang nagkausap tayo sa telepono, gayundin po noong nagkita tayong saglit. Nakita ko po sa dyaryo ang paglusong ninyo sa baha para kilalanin kung si Karen nga ba ang isa sa mga bangkay na napabalitang nakuha sa Hagonoy. Kung hindi po ako nagkakamali, suot ninyo ang vest ninyo bilang prinsipal sa paaralang elementarya: Paalalang kayo mang ina ng marami ay naghahanap ng pinakamamahal ninyong anak.
Na mahal na mahal din po namin. Mabuting tao po si Karen. Relatibong komportable po ang pag-aaral niya sa UP noon, salamat sa pagsisikap ninyong igapang ito. Pero tinalikuran po niya iyon para ipaglaban ang mga guro, manggagawa – naikwento rin niyang unyonista at welgista pa nga si Tatay - magsasaka, at iba pang binubusabos na uri at sektor sa ating bansa. May ilang kapwa-aktibista po ang nagsabing "dalisay ang puso" ni Karen: matatag sa prinsipyo, masipag at masigasig, mahusay makitungo sa mga kasama at masa, mapangahas at palaaral, matapat sa paglalahad ng saloobin.
Pero hindi po istiryutipong aktibista si Karen. Ang totoo, wala naman pong ganoon. Isinanib po niya ang kanyang katangian at pagiging karakter sa pagrerebolusyon. Minsan, kapag gutom siya, nawawalan siya ng ganang kumain. Minsan, kapag puyat siya, hindi siya makatulog. Kung gaano po siya ka-sinop sa mga datos at ulat, ganoon din po siya ka-linis sa bahay. Ang mga kasamang makalat sa bahay, inaaway niya. Mahilig siyang sumayaw, pero hindi kumanta. Noong huli, nahilig din siyang mag-gitara. Palabiro't bungisngis. Isa sa paborito namin ang magtaguan at mag-gulatan sa grocery.
Napapakwento na lamang po ako tungkol kay Karen dahil ang totoo po'y nahihirapan akong sumulat sa inyo ngayon, halos isang buwan mula noong sila'y dukutin at hindi ilutang. Dalawa po ang tendensiyang tinitimbang ko. Ang isa po'y ang pesismismo at pagiging palasuko, na hindi nakikita ang mga pwede pa nating makamit sa paglaban. Ang isa naman po'y ang maligayang optimismo, na hindi kumikilala sa totoong kalupitan ng militar, lalo na ang mga yunit sa ilalim ni Palparan. Mahirap pong pawiin ang pag-asa natin sa yugtong ito, pero mahirap din po kung purong pag-asa lang ang mayroon tayo.
Siguro, ang sasabihin ko po sa inyo ay ito: Patuloy po tayong lumaban para sa pinakamainam, habang ihinahanda ang ating sarili para sa pinakamasahol. Lumaban po tayo para sa pinakamainam dahil wala pang pinal na balita sa maikling panahong ito. Pero ihanda po natin ang sarili sa pinakamasahol dahil alam po nating malupit ang militar, lalo na sa ilalim ng rehimeng ito at partikular ang yunit ni Palparan. Ang totoo po, sa ganitong kalagayan, sa paglaban lamang tayo may pag-asa. Hinihikayat ko po kayong ipagpatuloy ang paglaban, humantong man tayo sa mabuti o masamang balita.
Dahil ang kawalang-katarungang ito kina Karen at Sherlyn – mabubuting anak ng bayan na tumalikod sa komportableng buhay nila para makita ang kaligayahan sa pagsanib sa pakikibaka ng mga magsasaka at maralita – ay patunay po na tama ang paniniwala nila: Na malupit at kalaban ng mamamayan ang naghaharing sistema sa ating bansa.
Ipinag-utos na po ng Korte Suprema na ilutang ang dalawa sa Lunes, a-bente kwatro ng Hulyo. Kasama ninyo akong mag-aabang, kasama ang mga kaibigan namin ni Karen at Sherlyn, gayundin ang mga naging kaibigan natin sa makatarungang paglabang ito.>>>
Natanggap ko ang liham na ito sa e-mail. Inilathala ko ito nang buo.
Sumulat sa tsmarasigan_kritika@yahoo.com
No comments:
Post a Comment