pangkulitan.motime.com
Hasik ng Lagim ni Gloria sa Pampanga
SAN FERNANDO, PAMPANGA � Nagising sa malakas na ugong ng rumaragasang trak ng Philippine Army ang mga mamamayan ng Barangay San Jose, San Fernando City Pampanga, umaga ng Hunyo 9.
Ikinagulat ito ng mga taga-San Jose. Di pamilyar na tanawin ang trak ng militar na pumapasok sa makipot na kalsada ng kanilang barangay. Walang giyera sa San Jose o sa anumang bahagi ng San Fernando na siyang kapital na lungsod ng probinsiya ng Pampanga.
Humimpil ang trak sa tapat ng barangay hall. Bumaba ang mga sundalo sa pamumuno ng isang Koronel Ricardo Bisaya, hepe ng 69th Infantry Battalion ng Army, na kumausap sa kapitan ng barangay, si Dario Manalastas, hinggil sa pagtatayo nila ng detatsment sa loob mismo ng San Jose.
Sa takot na maturingang kakampi ng mga �kalaban ng gobyerno�, di nakatanggi si Manalastas. Sa isang lumang gusali ng barangay, dumiskarga mula sa trak ang humigit-kumulang 15 armadong sundalo. Ang ilan naman sa mga kasamahan ng militar ay nakamotorsiklo.
Katabi ng naturang gusali ang eskuwelahang pang-elementarya, na punumpuno ng mga bata dahil pasukan. Sa gusaling ito nagtayo an mga sundalo ng bunker mula sa patumpatong na sandbag. Handa na ang detatsment.
Sa araw rin ng pagdating ng militar, nagsimula ang �census�: pagbahay-bahay ng mga sundalo sa barangay. Kuwestiyonable kung totoong census ang ginawa ng mga sundalo, ayon kay Milo (di tunay na pangalan), isang organisador sa naturang komunidad. Kung anu-ano ang tinatanong: sinu-sino ang mga nakatira sa bahay, ano ang kanilang mga trabaho, sinu-sino ang mga miyembro ng mga militanteng organisasyon, atbp. Ni wala silang dalang census form, ayon kay Milo.
Matapos nito, inisa-isa na ang mga organisador at lokal na lider-militante. Nagkataong nakatira sa San Jose si Frank Mangulabnan, tagapangulo ng Bayan (Bagong Alyansang Makabayan) sa Pampanga. Noong Hulyo 23, �binisita� na siya ng ng isang Pvt. 1st Class Alex delos Santos at S/Sgt. Fernando Patdu at pinagrereport sa detatsment.
Buti na lang at pinasabihan na ni Manalastas si Mangulabnan na huwag na munang umuwi dahil �pinaghahanap ng mga sundalo ang mga lider-militante.�
Militarisasyon sa Pampanga
Hindi lamang sa Barangay San Jose naganap ang naturang �militarisasyon�, na umigting nang ideklara ni Pangulong Arroyo ang paglaan ng P1-Bilyong pondo para sa all-out war laban sa NPA (New People�s Army). Sa 13 barangay ng Angeles City, pitong barangay ng San Fernando at siyam na barangay ng Mabalacat, naganap ang katulad na �militarisasyon� na naranasan ng mga mamamayan ng San Jose.
Ang buong �operasyong militar� ngayong sa Pampanga ay sa kumand ni Kol. Bisaya, na nakapailalim naman sa kumand ni Hen. Jovito Palparan, hepe ng 7th Infantry Division ng Army at may reputasyong pagiging �berdugo� ng mga sibilyang militante sa Central Luzon, at dati, sa Timog Katagalugan.
�Ang tingin nga namin, hindi matapang at hindi military genius itong si Palparan,� sabi pa ni Milo. Dati kasing ibinabandera ng gobyerno Arroyo ang mga tulad ni Palparan bilang mga �henyo� sa giyera kontra-insurhensiya. �Hanggang ngayon, magmula nang madestino siya (Palparan) dito sa Central Luzon, wala pa siyang malaking bilang ng NPA na natimbog. Puro sibilyang walang armas ang nilalabanan niya.�
Ayon kay Mangulabnan ng Bayan-Pampanga, pinupuntirya ni Palparan ang mga komunidad at barangay ng Pampanga kung saan masikhay ang pag-oorganisa ng mga legal na militanteng grupo.
�Sa mga lugar kung saan nakapag-organisa tayo dahil may mga matitinding isyu ang mga mamamayan � tulad ng laban sa mga panginoong maylupa, laban para sa kalikasan, at laban sa pabrika � doon din binuhusan ni Palparan ng sundalo,� ani Mangulabnan.
Tinukoy ni Mangulabnan ang mga barangay ng Angeles � Pulong Gulo, Lourdes Northwest, Sapa Libutan, Pulong Cucutud, Pampang, EPZA, Cutud, Sapang Bago, Margot, Aroras, Capaga, Tabun, at Cuayan � kung saan nagtayo ng mga detatsment ang mga sundalo sa mga barangay hall o maging sa mga eskuwelahang pang-elementarya at walang magawa ang mga lokal na lider.
Tinayuan din ng detatsment ang mga barangay sa San Fernando: San Pedro Cutud, Santa Lucia, San Jose, Quiebiawan, San Isidro, Alas-as at Del Rosario. Ganoon din sa mga barangay sa Mabalacat: Dolores, Sapang Bayabas, Atlobola, Duquit, Bical, Camachiles, Madapdap, Sta. Lucia at Mabiga.
Sa mga mismong lugar na ito, ayon kay Mangulabnan, malakas ang pag-oorganisa ng mga militanteng organisasyon tulad ng Piston (Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide), mga unyon, mga grupo ng vendors, kabataan, resettlers (na na-resettle ng pagsabog ng Mt. Pinatubo noong 1992) at maralitang tagalungsod.
May impromasyon sila, ayon kay Mangulabnan, na nanggaling sa tagapangulo ng ABC (Association of Barangay Captains) sa Pampanga na si Efren dela Cruz ang request ng pagdelpoy sa mga naturang barangay. Aniya, kilalang dating miltiar si Dela Cruz.
Militar, tatagal pa
�Matapos ang deployment ng militar, natakot nang hayagang makipag-ugnayan sa amin ang marami sa taumbayan,� kuwento ni Milo. Marami sa mga lokal na lider sa mga barangay na natukoy ng militar na dating nakikipag-ugnayan sa mga militante ay ni-require ng mga sundalo na regular na magreport sa detatsment. Ang iba pa ay pinapasama sa mga �operasyong militar� sa barangay.
Nagdeklara ang mga sundalo sa San Jose at iba pang barangay ng alas-10 ng gabi na curfew sa mga minor de edad. �Pinayuhan� din ng mga sundalo na huwag nang lumabas sa kani-kanilang mga bahay ang mga tao; kundi�y baka mapagkamalan silang nakikipag-ugnayan sa mga militante. Alas-dos nang madaling araw, nagsisimula na ang �operasyong militar�: pagronda ng mga sundalo sa barangay, naghahanap ng �kaaway� nitong NPA.
�Pero walang NPA sa San Fernando. Siyudad ito, at malayung malayo sa mga kinikilusang lugar ng NPA. �Yun nga lang, maraming legal at di-armadong miyembro ng militanteng grupo,� sabi ng organisador.
Kinausap ng mga sundalo ang mga opisyal ng barangay, pati na ang mga unyon ng mga pabrika sa lugar, na huwag nang makipag-usap sa mga militante. Ni-require din nila ang mga ito na magbigay ng regular na ulat ukol sa kilos ng mga organisador at aktibista sa lugar.
Sa isang pagkakataon sa Barangay Quiebiawan, nagpalabas sa komunidad ang mga sundalo ng film footage ng mga rali at maging ang mga rali sa Hacienda Luisita sa Tarlac. Habang pinapalabas, inutusan nila ang mga taong ituro ang mga tao na nasa footage na pumupunta sa kanilang barangay.
Ang mga lider-militante na naabutan ng mga sundalo sa mga barangay ay pinipilit na lumagda sa mga affidavit na nagsasabing mga NPA sila na sumusuko na sa gobyerno. Ito ang nais sanang ipagawa diumano kay Mangulabnan.
Dahil sa sitwasyong ito, napilitang pansamantalang iatras ng mga militanteng grupo ang kanilang mga organisador at lokal na lider. Marami rin sa mga lokal na lider ang natakot na makipag-ugnayan sa ngayon sa mga militante.
Pansamantalang isinara na rin maging ang mga rehiyonal at pamprobinsiyang opisina ng mga militanteng grupo na matatagpuan sa Bgy. Pulong Gulo, Angeles, tulad ng Kilusang Mayo Uno � Central Luzon, WAR3 (Workers� Alliance in Region III), Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luson, gayundin ang mga organisasyon ng mga tagariles, maralita at kabataan.
Ang ilan sa mga naiwang lider na nakabase sa mismong mga barangay ay nakatanggap naman ng malupit na pang-aabuso, ayon kay Mangulabnan. Tulad ni Boyet Pineda, lider ng mga traysikel drayber at Pino Roman, dating pangulo ng Marisol Pampang Association, sa Purok 5, Pulong Gulo.
Dinampot diumano sila alas-9 nang umaga noong Hunyo 14. Walang humpay ang interogasyon: tinanong tungkol sa pagkakasangkot nila sa mga progresibong organisasyon. Pinalaya sila matapos ang ilang oras, matapos piliting mangako na mag-uulat nang regular sa detatsment.
Mas malupit namang ang sinapit ng ilan pang militante sa Central Luzon. Noong Nobyembre 23, 2005, pinaslang si Errol �Ka Raymond� Sending, organisador ng Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap) sa Pampanga, matapos bisitahin ng mga ahente ng ISAFP (Intelligence Service, Armed Forces of the Philippines). Noong Oktubre 2005 naman, pinatay naman si Francisco �Tatay Kiko� Rivera, tagapag-ugnay ng Bayan Muna sa Angeles. Ganito rin ang sinapit ni Manuel Nardo, tagapag-ugnay ng Bayan Muna sa Barangay Quiebiawan, San Fernando, nito lamang Mayo 8.
Dahil dito, doble muna ang pag-iingat ng mga organisador at aktibista sa Pampanga. Kahit na tinatakot, patuloy pa rin ang suporta sa kanila ng taumbayan. �Parang gerilya na nga rin kami, wala nga lang baril. Bibig lang ang panlaban namin. Patuloy na malakas ang loob namin dahil may kumpiyansa sa amin ang taumbayan,� sabi ni Milo.
Para naman kay Mangulabnan, handa sana siyang makipagharap sa mga sundalo. �Kahit saan, gusto kong makipagdebate sa kanila. Pero ang problema, pikon silang kalaban, e. Mahirap silang kalabanin dahil pumapatay sila sa halip na nakikipagdebate,� aniya.
Pulitiko, takot
Samantala, marami sa mga lider-simbahan at lokal na pulitiko sa Pampanga ay tutol sa naturang deployment, tulad ng alkalde ng San Fernando na si Oscar Rodriguez. Ayon kay Mangulabnan, dating abogadong pangkarapatang pantao si Rodriguez at dati nang napabalitang napasama sa Order of Battle ni Palparan noong unang salta ng huli sa Pampanga noong dekada �90. Ngunit maging si Rodriguez ngayon ay tila napipilitang manahimik sa takot sa militar.
�Takot ang mga pulitiko dahil militar ang kaharap nila,� paliwanag pa ni Mangulabnan. Aniya, nang kausapin ang mga lokal na lider, sinabi ni Kol. Bisaya na �galing sa itaas� ang order nila na magtayo ng detatsment.
Pakahulugan ng mga pulitiko, galing ang order sa mismong Malakanyang.
No comments:
Post a Comment