Tuesday, February 25, 2014

EDSA

EDSA
Ni ROLAND TOLENTINO
February 24, 2014
Bulatlat.com

Ito ang pangunahin at pinakasiksik na kalsada sa Metro Manila. Ang dating henerikong kalsada na Highway 54, ang EDSA ay ipinangalan sa bayaning si Epifanio de los Santos noong 1959. Nawala ang mga publikong espasyo at pribadong bahay, mabilisan ang transformasyon tungo sa tuloytuloy na hilera ng mga pabrika’t negosyo.

Sa simula ng Highway 54, ito ay kinatatakutan dahil sa pagiging mapanganib. Literal na highway robbery dahil walang nagpapadilim sa pagdaan dito. Pinalawak ang dating grabang pandalawahang sasakyang kalsada, naging labindalawahan. Matapos, isinalansan ang mga flyover noong panahon ni Corazon Aquino para maibsan ang trafiko.

Nakumpleto ang underpass at flyover pero nanatili ang trafiko. Isinalansan pa sa ground level ang MRT na lalong nagpasikip sa trafiko. Nakadagdag rito ang higit na nagsisiksikang malls at shopping centers na hindi nakakapagtakang nasa mga underpass at flyover, pati sa stops ng MRT.

Ang konsentrasyon ng kapital sa EDSA ay patunay na nagsasaad ng modernidad ng syudad at bansa na may koloraryong paglikha ng invisibilidad sa politikal. Ang EDSA ng pagbabago ng serye ng People Power ay naglaho na. At ang memorialisasyon ng pagdanas nito–ng isang higanteng birheng tanso sa bukana ng mall at flyover, at sa walang kalatoylatoy na tableau ng sama-samang pagkilos sa kanto naman ng military camp at exklusibong subdibisyon ng nouveau riche–ay hindi na nakakatawag-pansin sa nadanas na masibong kolektibong pagkilos ng mamamayan.

Ang memorialisasyon sa pamamamagitan ng spektakulo ng monumento, sa pagkaliblib ng ebentwal na pagtatayo ng literal na infrastruktura ng kapital (flyover, subdibisyon, mall, MRT, military camp), ay higit na nakapagpatago sa posibilidad na ang politikal ay muling mangyari. Kahit pa ang hindi napapansing mga monumento ay pagpugay sa mga awtor ng People Power–ang Katolikong simbahan sa harap ng Robinson’s, at ang natatanging si Ninoy Aquino sa foreground at ang tsuwariwap na mamamayan sa likod nito sa White Plains–ito pa rin ay sekular na memorial sa patuloy na pagpapadaloy ng kapital at depolisitisadong pagkilos sa EDSA.

Lalo pang nagsisiksikan ang EDSA ng karagdagang high-end malls at high-rise condos. Mas siksik, mas maganda. At dahil kulang na ang espasyo, walang ibang paraan para masiksik kundi paitaas. Ang kolonisasyon ng kapital sa EDSA ay nagpapahiwatig ng pananakop sa field of vision na rin nito: ang tanging natatanaw sa EDSA ay mga eksena ng kapital sa kaliwa’t kanan ng pagtunghay.

Kabilang dito ang mga higanteng tarp, ang enclosure na likha ng MRT at mga gusali ng negosyo, ang panorama ng trafiko ng mga behikulong nagsasakay ng mga manggagawa, manager at estudyante, at mga mall at condos. Ang paradox ng pagtanaw ay tila walang hanggan ang pwersa ng kapital pero mula sa statikong posisyon ng tumatanaw.

Sa literal na antas, statiko dahil nakapako o pausad-usad lang ang tumatanaw sa trapiko ng EDSA, o kung nasa MRT man, madalas sa madalang, ang mimikong pagsisiksikan ng mga pasahero sa hindi umuusad na trafiko sa ibaba. Sa figuratibong antas, statiko dahil sa dinami-rami ng dinadaanan ng biswalisasyon ng kapital–mga produkto sa mga tarp, nag-aayang mga mall at condo, magagarang sasakyan, mararangyang subdibisyon, at iba pa–ay hindi naman accessible ang tinatanaw sa tumatanaw.

Ang statikong pamamaraan ng pagkilos sa EDSA ay siya ring panuntunan sa pagdanas ng mayoryang mamamayan sa kapitalismo: sa reprodusibilidad ng pagdanas sa franchise na negosyo ng fastfood, tarp subkultura, malls at gasolinahang magtitiyak ng pagtuloy na padaloy sa tumutunghay sa iba’t ibang panig ng bansa, pati na rin ang pribatisasyon ng pagdanas sa mismong mga bahay. Tumatanaw, nakakadanas pero parating kulang o said.

Ang EDSA ng buhay ng syudad ay siya ring EDSA ng buhay ng bansa sa kapitalismo. Maraming natatanaw pero wala naman talagang tinatanaw. Lahat ng dumadaan ay overdetermined na maging sabjek ng kapital, pero hindi naman lahat ay may kapangyarihang makapamili kaya nagiging objek na lang ng kapital. Ang katawang may aksesorya ng kapital, pati ang katawang wala, ay katawang pinapadaloy ng kapital sa mismong pagpapadaloy ng kapital sa mga lansangan at sityo ng negosyo.

Kinikilabutan ako tuwing iniisip kong kailangan kong dumaan ng EDSA dahil walang katiyakan kung kailan ako makakarating at makakabalik. At may batayan naman pala ang aking pangamba. Ang EDSA ko ay EDSA na hindi ko naman inakda, inakda para sa akin para maglangkap ng pangamba at takot, at sa statikong pagkatengga sa trafiko, ang maaliw sa nakakapanghalinang imaheng namumutiktik sa kalsada. Wala akong magawa kundi tumingin, tumanaw at tumanga.

Si Roland B. Tolentino ay faculty sa UP College of Mass Communication at kasapi ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND-UP). Para sa komentaryo, maaring mag-email sa roland.tolentino@gmail.com.

No comments: