August 15, 2005
People Power at ang Transition Council: Kagyat na tugon sa krisis ng gobyernong Arroyo
1. ANO ANG IBA’T IBANG PARAAN NG PAGRESOLBA SA KRISIS NG REHIMENG ARROYO?
2. PAGKILOS NG MAMAMAYAN: Ang nagpapatuloy na tradisyon ng people power
3. TRANSITION COUNCIL: Napapanahong alternatiba sa bulok na rehimeng Arroyo
Konstitusyunal ba ang transition council?
Bakit kailangang transition council ang pumalit kay Arroyo?
Sino-sino ang bubuo ng transition council?
Paano pipiliin ang mga kinatawan ng transition council? Kailan ito bubuuin?
Hanggang kailan ito iiral? Gaano katagal ang buhay ng transition council?
Ano ang magiging trabaho ng transition council?
Ano ang mga repormang dapat isulong ng transition council?
Ang transition council na ba ang sagot sa malalim na krisis ng bansa?
PAMBUNGAD
Bulok na bulok na ang rehimen ni Gloria Macapagal Arroyo. Walo sa bawat sampung Pilipino ang nagsasabi na dapat nang alisin sa pwesto si Arroyo. Ito na ang naging lohikal na konklusyon matapos mailantad ang malawakang pandaraya sa eleksyon, katiwalian sa gobyerno, maigting na krisis sa ekonomiya at pulitika, pagpapakatuta sa dayuhan at ang tumitinding panunupil sa mamamayan.
Wala nang moral at ligal na batayan para mamuno si Arroyo. Sa lahat ng sulok ng bansa ay umaalingawngaw ang panawagan para sa pagbibitiw o pagpapatalsik kay Gloria. Lumalaki at lumalawak ang mga kilos protesta. Dumarami ang mga personahe at organisasyon ng panggitnang pwersa ang nananawagan ng pagbibitiw ni Arroyo. Nakasampa na rin sa Kongreso ang isang impeachment complaint laban kay Gloria.
Ang mga pangyayaring ito ang nagpapakita na suklam na ang mamamayan sa pekeng pangulo na mapanupil at pahirap sa taong bayan.
Ngayon ay panahon ng paninindigan. Kailangang kumilos ang mamamayan para lutasin ang krisis ng rehimeng Arroyo. Ang resolusyon ay kailangang maging pabor sa nakararaming inaapi at pinagsasamantalahan. Para magawa ito, kailangang magkaisa ang mamamayan kung paano palalayasin si Arroyo sa Malacañang. At mula doon ay ihawan ang landas tungo sa mga makabuluhang reporma para sa mamamayan habang tinatanaw ang mas makabuluhang pagbabago ng buong bulok na sistema.
1. ANO ANG IBA’T IBANG PARAAN NG PAGRESOLBA SA KRISIS NG REHIMENG ARROYO?
May iba’t ibang pagtingin kung paano haharapin ang krisis ng rehimeng Arroyo. May nagpapanukala na ilimita ang pagpipilian ng mamamayan sa tinatawag na mga konstitusyonal na proseso. Ang iba naman ay nagsasabi na kailangang maging bukas sa lahat ng options, kabilang na ang sinasabing extra-constitutional option tulad ng People Power.
Truth Commission
Noong nagsimula ang kontrobersya ng “Hello Garci”, may mga nagpanukala ng ”Truth Commission” bilang paraan para matuklasan ang katotohanan sa pandaraya sa eleksyon. Kamakailan ay naglabas ng pahayag ang Malacañang na nananawagan din ng pagbubuo ng “Truth Commission”, alinsunod sa naging mungkahi ng ilang obispo’t negosyante. Lubhang malabo ang patutunguhan ng “Truth Commission” ni Arroyo. Paano aasahan ang isang akusado (Arroyo) na imbestigahan ang kanyang sarili? Susunod naman kaya si Arroyo sa magiging rekomendasyon ng ’Truth Commission” na siya ang nagbuo? Napag-iwanan na ng mga pangyayari ang panawagan para sa ”Truth Commission”. Malinaw na hindi ito maaaring maging tugon sa krisis ng rehimeng Arroyo. Kahit ang mga nagmungkahi ng ”Truth Commission” ay hindi na nagpupursige sa pagbubuo nito.
Impeachment Process
Meron ding iba na nagsasabing idaan na lang sa impeachment ang pagpapaalis kay Arroyo. Ang nakakatawa pa nga ay mismong si Arroyo ang nagtataguyod sa impeachment process bilang TANGING ligal o konstitusyonal na paraan para mapaalis siya sa pwesto.
Pero ipinakita na ng kasaysayan na hindi madali ang impeachment ng isang pangulo, lalo’t nananatiling hawak ni Arroyo ang mayorya sa Kongreso. Bagama’t magagawa ng impeachment na ilantad ang mga kaso’t krimen ni Arroyo, hindi tayo umaasa at wala tayong ilusyon sa prosesong ito. Sinusuportahan natin ang mga isyung nilalaman ng impeachment complaint habang binabantayan naman ang mga maniobra at panggigipit na ginagawa ng Malacañang. Kabilang sa mga maniobra ang panunuhol at intimidasyon sa mga testigo at ang maniobra sa mismong proseso ng deliberasyon at botohan sa impeachment.
Hindi natin ibubuhos ang ating pagsisikap sa impeachment lamang. Mas mahalaga na magpatuloy ang mga pangmasang aksyong protesta sa lansangan, edukasyon sa hanay ng masa at panggitnang pwersa at pagpapalawak at konsolidasyon ng mga progresibong organisasyon ng mamamayan.
Gayunpaman, kailangang bantayan ang mga pihit ng sitwasyon kaugnay ng impeachment, lalo na ang mga lantarang maniobra ng mga pro-GMA na ikakagalit ng mamamayan.
Resignation
Ang resignation o pagbibitiw ay isa sa mga paraang nakasaad sa konstitusyon bilang paraan ng pagpapalit ng pangulo. Maaaring magbitiw ang isang pangulong hindi na kayang mamuno.
Marami na ang nananawagan ng pagbibitiw ni Arroyo, kabilang ang kilusang masa, mga pulitiko, grupo ng negosyante’t propesyunal at mga samahang relihiyoso. Noong July 8 ay sunod-sunod na nananawagan ng resignation ang mga dating miyembro ng gabinete ni Arroyo, si dating Pangulong Aquino at ang Makati Business Club. Pero sa kabila ng mga panawagang ito ay nanatiling kapit-tuko sa poder si GMA.
Tama ang panawagan ng pagbibitiw kay Arroyo. Ito ay ekspresyon ng malawak na diskontento at pagtatakwil ng mamamayan sa kasalukuyang rehimen. Matapos na ilang ulit nagpahayag si Arroyo na hindi siya bibitiw sa poder, malinaw din na hindi sapat ang simpleng panawagan ng resign para mapaalis si Arroyo. Kailangan ng direktang aksyon ng daan-libong mamamayan para ma-pwersa si Arroyo na lisanin ang palasyo.
Snap Elections?
May nagsasabi din na idaan na lang sa isang snap election ang krisis ng gobyerno para malaman kung sino talaga ang sinusuportahan ng tao. Kahalintulad ito ng naging snap election noong bago bumagsak ang diktadurang Marcos. Pero paano magkakaroon ng kredibilidad ang snap elections gayong ang mismong magpapatakbo nito, ang COMELEC, ay bahagi sa pandaraya noong 2004 at lubog sa kontrobersya at kabulukan?
Solusyon ba ang Cha Cha?
Nagmungkahi na rin ng CHA CHA o charter change ang rehimen bilang solusyon daw sa krisis sa pulitika. Ito rin ang isinusulong ni dating pangulong Ramos, Jose de Venecia at ang buong LAKAS-CMD. Ginagamit nila ang retorika ng ”pagpapalit ng sistema” para pagtakpan ang totoong mga ugat ng kasalukuyang krisis at kung sino ang may pangunahing pananagutan. Ano ba talaga ang nasa likuran ng Cha Cha?
Ang Cha Cha ay naglalayong pagtakpan ang mga isyu’t kasalanang sinisingil kay GMA. Ayon na rin mismo kay Arroyo, kaya nagkakagulo sa pulitika ngayon ay dahil sa sistema ng pulitika na presidensyal. Mas mabuti na raw ang sistemang parliamentaryo kung saan punong ministro na hinalal ng mga mambabatas ang siyang mamumuno sa bansa. Sa ilalim daw kasi ng parliamentary system, hindi na magkakaroon ng pangkalahatang eleksyon para sa pangulo dahil ang pinuno ng bansa ay ihahalal na lamang ng mga napiling mga kinatawan sa parliamento.
Malabo ang ganitong lohika ni GMA. Una ay pinagpapalagay niya na walang tinutuntungan ang mga panawagan para sa kaniyang pagbibitiw kundi ang pamumulitika lamang ng mga kalaban niyang nais mang-agaw ng kapangyarihan. Ang krisis ng rehimeng Arroyo ay hindi nagmumula sa presidential system ng gobyerno. Kaya may krisis ay dahil sa mga krimen ni Arroyo tulad ng pandaraya sa eleksyon, pagnanakaw sa kabang bayan at panunupil sa mamamayan.
Pangalawa, inililihis lamang ni GMA ang pananaw ng madla palayo sa totoong mga isyu. Nais ng rehimen na maipihit ang pambansang talakayan mula sa isyu ng kanyang pagbibitiw tungo sa usapin ng porma ng gobyerno.
Pangatlo, layon ng grupo ni Ramos na bigyan ng “graceful exit” si GMA matapos mabago ang konstitusyon. Ang pakanang ito ang magtitiyak na hindi mananagot si GMA sa kanyang mga kasalanan sa bayan. Ibang usapin pa syempre ang tila pagpalag ni GMA sa panukalang paikliin ang kanyang termino hanggang 2006.
Pang-apat, dapat ding bantayan ang pansariling interes ang grupong Ramos-de Venecia gayudin ang maka-imperyalistang agenda sa likod ng Cha-cha.
2. PAGKILOS NG MAMAMAYAN: Ang nagpapatuloy na tradisyon ng people power
Bakit kailangan itaguyod ang pambansa demokratikong kilusang masa at konsepto ng People Power bilang paraan sa pagresolba ng krisis ng rehimeng Arroyo?
Sa huling pagsusuri, batay sa karansan sa pakikibaka sa diktadurang US-Marcos at paglaban sa rehimeng US-Estrada, at batay na rin sa pagmamatigas ng rehimeng US-Arroyo, ang tuwirang pagkilos ng mamamayan ang siyang mapagpasya para lutasin ang krisis. Ang pag-aalsang popular sa tradisyon ng people power ay ang pinakamataas na ekspresyon ng demokrasya kung saan ang kapasyahan ng mamamayan ang siyang magtatakda ng pananatili o pagpapalit ng isang goberyno. Ang lakas ng mamamayan ang ating pangunahing sandigan laban sa nabubulok na rehimeng Arroyo.
Ang pagpapatalsik kay Arroyo ay mangangailangan ng kooperasyon at pagkilos ng malapad na hanay ng mamamayang lumalaban. Kabilang dito ang progresibong kilusang masa na pangunahing binubuo ng mga api at progresibong uri; ang mga pwersa ng Ligal na Oposisyon, mga taong simbahan at samahang relihiyoso, mga opisyal ng gobyerno na anti-Arroyo, mga negosyante, propesyunal, panggitnang saray ng lipunan, mass media, at maging mga aktibo at retiradong opsiyal militar. Lahat ay kinakailangang magtulong-tulong sa nagkakaisang layunin na patalsikin si Arroyo. Milyon-milyong mamamayan ang dapat na kumilos para patalsikin sa pwesto ang peke at pahirap na pangulo.
Hindi ba labag sa konstitusyon ang People Power?
Masasabing isang paraang extra-constitutional ang People Power dahil hindi ito tuwirang nasasaad sa saligang batas. Gayunpaman, ang people power ay umaayon sa probisyon ng konstitusyon na nagsasabing “sovereignty resides in the people.” Mamamayan ang mapagpasya. Ito ang esensya ng demokrasya. Ayon naman sa ibang ligal na eksperto, ang people power ay maaaring ituring na extra-constitutional pero hindi unconstitutional. Ibig sabihin, bagamat hindi tuwirang nasasaad sa konstitusyon, hindi rin naman nangangahulugan na labag ito sa konstitusyon. Ang mga mariing kumokontra ngayon sa people power ay mismong mga nakinabang sa People Power noon. Kapag wala sila sa poder ay ok lang ang people power. Pero oras na sila ay maupo, kagyat nilang tinatawag na iligal ang people power. Sila din ang unang lumalabag sa konstitusyon tulad ng pandaraya sa halalan, paglabag sa karapatang pantao at paglabag sa soberanya ng bansa.
Makikita rin na sa tindi na ng inabot ng krisis ng bansa, ang mamamayan ay humahanap na ng mga solusyon na labas sa konstitusyon. Ang mga paraang extra-constitutional ay nagpapakita na hindi na kayang harapin ang krisis ng bansa sa dating mga limitasyon ng saligang batas.
Hindi ba pagod na ang mamamayan sa People Power lalo’t wala namang nangyari matapos ang EDSA 1 at 2?
Hindi sa people power nagsasawa ang mamamayan. Sawa na ang tao sa pagtataksil ng mga ilang lider at pulitiko matapos ang people power. Ang bulok na pulitika, kawalan ng reporma at kawalan ng representasyon ng mamamayan ang siyang itinatakwil ng mamamayan. Kung pagbabatayan ang mga protesta ngayon, masasabing buhay na buhay pa rin ang diwa ng people power. Hindi nagsasawang maghangad ng pagbabago ang mamamayan.
Dagdag pa, masasabing nagbigay ng mahalagang aral ang EDSA 1 at 2. Una na dito ang realidad na hindi sapat na palitan lamang ang pangulo kung gusto nating magkaroon ng tunay na pagbabago. Pangalawa, ang tunay na kapangyarihan ay nasa kamay ng mamamayan. Kailangang palakasin ang kilusan ng mamamayan para maisulong ang tunay na pagbabagong panlipunan. Ang makabuluhang pagbabago ay hindi natin pwedeng iasa na lamang sa mga pulitiko’t iilang naghahari. Ang mahalaga ay matapos ang bawat people power ay natututo ang mamamayan at lumalakas ang kanilang hanay at mabuo ang kanilang organisadong lakas.
Civilian-Military Junta ba o Coup d’etat ang tunguhin ng People Power?
Hindi layunin ng people power ang magluklok ng isang civilian-military junta. Ang military junta ay hindi solusyon sa krisis ng gobyernong Arroyo. Batay sa ating naging kasaysayan, ang People Power ay nagtataguyod ng civilian supremacy o kapangyarihang sibiliyan ang nangingibabaw sa militar. Hindi tayo papayag sa isang civilian-military junta, lalo’t sa ganitong kalagayan ay tiyak na magiging dominante ang militar kaysa sibilyan.
Ano kung gayon ang dapat iluwal ng People Power? Ano ang ipapalit kay Arroyo?
Ang people power ay dapat magluwal ng isang transtion council bilang kagyat na kapalit ng rehimeng Arroyo. Ang transition council ay maghahawan ng mga kagyat na reporma habang inihahanda ang paglulunsad ng eleksyon sa isang resonableng panahon. Ito ay bubuuin ng iba’t ibang mga pwersang pinakadeterminado sa laban para patalsikin si Arroyo.
3. TRANSITION COUNCIL: Napapanahong alternatiba sa bulok na rehimeng Arroyo
Bakit hindi si Noli de Castro o Franklin Drilon ang magiging kapalit ni Arroyo? Bakit hindi constitutional succession ang masusunod?
Kaiba sa EDSA 2, ang People Power ngayon ay hindi magreresulta ng constitutional succession kung saan ang bise-presidente ang magiging kapalit ni Arroyo. Hindi katanggap-tanggap si Noli de Castro bilang kapalit ni Arroyo. Sa panahon ng krisis sa pulitika ay nananatili siyang tagapagtanggol ni Arroyo. Kung tutuusin ay nakinabang siya sa pandaraya ni Arroyo noong nakaraang halalan. Kahit maluklok siya bilang pangulo kapag biglang nagbitiw si Arroyo, hindi rin niya kakayaning mamuno. Hindi rin niya itataguyod ang interes ng mamamayan, lalo’t siya ay kilalang malapit sa interes ng malaking negosyanteng Lopez. Si de Castro ay kabilang sa dapat magbitiw matapos mapatalsik si Arroyo.
Si Senate President Frank Drilon naman ay malabo ding maging kapalit ni Arroyo. Bilang pangatlong pinakamataas na opisyal ng bansa, si Drilon sana ay maaaring maging transition president habang inihahanda ang eleksyon ng bagong pangulo sa lalong madaling panahon. Pero sa ilalim ng umiiral na sitwasyon, at dahil na rin sa problema ng katiwalian sa COMELEC, hindi magiging epektibo ang Drilon transition at snap election. Higit sa lahat, hindi nito mabibigyang kapangyarihan at representasyon ang mga pwersang nagpatalsik kay Arroyo, lalo na ang mga inaaping sektor ng lipunan. At kung gayon ay hindi mabibigyang daan ang mga repormang mapapakinabangan ng mamamayan.
Konstitusyunal ba ang transition council?
Katulad ng people power, ang konsepto ng transition council ay di tuwirang nasasaad sa Konstitusyon. Ito kung gayon ay maituturing na extra-constitutional subalit hindi rin naman masasabing unconstitutional o labag sa konstitusyon. Umaayon pa rin ito sa probisyon ng konstitusyon na nagsasabing “sovereignty resides in the people”. Tatanganan din nito ang probisyon sa konstitusyon na nagtataguyod sa civilian supremacy sa gobyerno.
Ang gobyernong Aquino noon ay maituturing na extra-constitutional dahil labas ito sa saklaw ng 1973 Constitution ni Marcos. Pero dahil ito ay niluwal ng pakikibaka laban sa diktadura at dahil malinaw ang pandaraya ni Marcos sa snap elections, nagawang umiral ng gobyernong Aquino. Tinanggap ito ng publiko kahit na labas ito sa balangkas ng konstitusyon. Nagkaroon Freedom Constitution habang inaatupag ang pagbabalangkas ng 1987 Constitution.
Bakit kailangang transition council ang pumalit kay Arroyo?
Hindi na sapat ang constitutional succession para lutasin ang krisis sa pulitika. Ito ang nakita nating aral sa kasaysayan at ito rin ang ipinapakita ng kasalukuyang sitwasyon. Malala at malalim ang krisis ng bansa. Ang simpleng pagluluklok kay Noli de Castro ay hindi lulutas sa mga problema ng bayan. Kailangang magtulong ang iba’t ibang pwersa para lutasin ang krisis na ito at magagawa lang ito sa balangkas ng isang transisyon council na sa aktwal ay koalisyon ng mga pwersang anti-Arroyo.
Kailangan ding magkaroon ng kinatawan ang mamamayan, lalo na ang mga manggagawa’t magsasaka, sa gobyernong papalit kay Arroyo. Sa nakaraan ay hindi naging tampok ang kinatawan ng mamamayan sa mga gobyernong itinatag matapos ang EDSA 1 at 2. Ang kinatawan ng mamamayan mula sa mga progresibong organisasyon, lalo na ng mga aping uri ng manggagawa’t magsasaka at mg progresibong saray, ang magtitiyak na maisusulong ang mga kagyat na repormang pakikinabangan ng taongbayan.
Walang iisang grupo o tao ang makapagsasabi na sila/siya ang may kakayanang pumalit kay Arroyo. Walang grupo ang makapagsasabi na kaya nitong mag-isang patalsikin si Arroyo. Ang pagpapaalis kay Arroyo ay mangangailangan ng pagtutulungan ng iba’t ibang pwersa at grupo. Kung kaya’t ang gobyernong kagyat na papalit kay Arroyo ay mangangailangang kumatawan din sa iba’t ibang pwersa’t partidong pulitikal na kumilos laban kay Arroyo.
Sino-sino ang bubuo ng transition council?
Ang transition council ay bubuuin ng iba’t ibang epektibong pwersa na kumilos para patalsikin si Arroyo. Maaaring magkaroon ito ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang partido/grupo ng ligal na Oposisyon, progresibong kilusang masa, mga negosyante, panggitnang saray ng mga propesyunal, at maging mga kinatawan ng mga retiradong militar na maaaring kumatawan sa mga aktibong militar.
Dapat tiyakin ang representasyon ng mga grupong pinaka-aktibong lumaban kay Arroyo. Dapat ding magkaroon ng tinatawag na proportional representation kung saan ang dami ng kinatawan ay itinatakda ng laki o bilang ng kinakatawan o constituents.
Isinusulong natin na magkaroon ng kinatawan sa transition council ang mga aping sektor tulad ng manggagawa, magsasaka at maralita. Dapat ding isulong ang representasyon ng mga lider na nagdadala ng makabayan at demokratikong plataporma. Sila ang kailangan sa loob ng transition council para maisulong ang mga reporma.
Ang laki ng transition council ay babatay sa aktwal na kalagayan, sa dami ng mga grupong aktibong kumikilos laban kay Arroyo. Dapat itong magkaroon ng sapat na bilang ng mga miyembro para magkaroon ng representasyon ang iba’t biang pwersa at grupong pampulitika.
Ang iba pang detalye ng transition council ay bumabatay na sa paraan ng pagpapatalsik kay Arroyo. Halimbawa, magagawa lamang ang transition council kung malakas ang kilusang masa o people power. Ang mga pangunahing mga personalidad na bubuo ng transition council ay babatay sa kung sino ang pinaka-aktibong pwersa sa kilusan para patalsikin si GMA.
Paano pipiliin ang mga kinatawan ng transition council? Kailan ito bubuuin?
Sa panahong malapit nang mapatalsik si Arroyo, dapat magkaroon ng isang malawak na People’s Assembly na ipapatawag ng iba’t ibang pwersang pulitikal na anti-Arroyo. Ang People’s Assembly ang magbibigay ng mandato para sa itatayong transition council. Ang mga pwersang mag-oorganisa ng asembliya ay dapat magbalangkas ng mga alituntunin para sa nominasyon at pagpili ng mga kinatawan ng transition council.
Kailangang tiyakin ang malapad na partisipasyon ng iba’t ibang sektor sa People’s Assembly. Ang People’s Assembly ay dapat ding magtaguyod ng minimum na programa na makabayan at demokratiko na ipapatupad matapos mapatalsik si Arroyo.
Hakbang-hakbang na umuusbong ngayon ang kooperasyon sa pagitan ng iba’t ibang pwersang anti-Arroyo. Higit na uunlad ang kooperasyon at unawaan ng mga pwersang ito habang sumusulong ang laban. Sa ganitong paraan lang magiging posible ang pormasyon ng pinakamalapad na nagkakaisang hanay laban kay Arroyo.
Maaaring mabuo ang isang pormal na alyansa ng lahat ng grupong anti-Arroyo. Ang alyansang ito ang maaaring magpatawag ang isang People’s Assembly na pipili ng mga kinatawan ng transition council.
Hanggang kailan ito iiral? Gaano katagal ang buhay ng transition council?
Sa konspeto ng isang transition council, malinaw na hindi ito isang permanenteng gobyerno. Ito ay pansamantalang porma lamang ng pamamahala habang isinusulong ang mga reporma at inihahanda ang susunod na eleksyon. Sinasabing maaaring tumagal ng minimum na anim na buwan hanggang isang taon ang transition council. Kailangan ng isang panahon para ayusin ang burukrasyang babakentehin ni Arroyo. Kailangan ding tiyakin ang repormang elektoral bago mailunsad ang halalan para sa bagong pamunuan.
Matapos maihalal ang bagong pamunuan ng bansa, maaaring manatili ang People’s Assembly at ang transition council bilang ekpsresyon ng nagkakakisang hanay ng mamamayan.
Ano ang magiging trabaho ng transition council?
- Isulong ang mga reporma sa ekonomiya at pulitika, kabilang ang electoral reforms
- Linisin ang kalat na iniwan ng rehimeng Arroyo, kabilang ang mga kaso ng katiwalian, kronyismo, mga maanomalyang kontrata etc. Punuan ang ilang nabakanteng pwesto ng rehimeng Arroyo.
- Maghanda para sa halalang may kredibidilad. Ilunsad ang mga pagbabago sa COMELEC.
- Isulong ang pambansang pagkakaisa para sa makabayan at demokratikong reporma
- Maaari ding magpatawag ang transition council ng isang constitutional convention na magbabalangkas ng konstitusyon na magpapasaklaw sa mga karapatan ng mamamayan at magpapalakas sa mga makabayang probisyon
Ano ang mga repormang dapat isulong ng transition council?
Partikular na mga reporma na dapat isulong ay ang:
- Economic relief mula sa matinding krisis sa ekonomiya, kasama na dito ang debt repudiation at pagrepaso sa mga patakarang pahirap sa bayan tulad ng EVAT.
- Tunay na reporma sa lupa at makabayang industriyalisasyon, proteksyon ng ekonomiya kasama ang pagbaligtad sa mga patakarang globalisasyon.
- Pagtaguyod sa karapatang pantao at katarungan para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao at panunupil ng estado
- Pagtuloy sa usapang pangkapayapaan
- Pagtataguyod ng pambansang soberanya
Ang transition council na ba ang sagot sa malalim na krisis ng bansa?
Ang transition council na may kinatawan ng masang anakpawis at kilusang demokratiko ay isang makabuluhang hakbang tungo sa lubos na panlipunang pagbabago. Dapat lang na ilinaw na ang transition council ay hindi pa kulminasyon ng pagsisikap natin para isulong ang tunay na pagbabago. Hindi dapat magbigay ng ilusyon na ito na ang pinal na kasagutan sa lahat ng problema ng bansa, lalo’t kung ang bubuuing transition council ay ililimita lamang sa mga kinatawan ng iba’t ibang reaksyunaryong partido at grupong pampulitika at wala ang mga kintawan ng demokratikong kilusang masa.
Dapat kilalanin ang realidad na ang problema ng bansa ay tunay na malalim at hindi malulutas sa bisa lamang ng isa, dalawa o tatlong people power. Kinikilala din natin na dominante pa rin ang bulok na pulitika sa bansa. Posible din na sa loob ng transition council ay dominante pa rin ang mga tradisyunal na pulitiko at minorya lamang ang mga kinatawan ng progresibong kilusan. Dahil dito, hindi lubos ang mga reporma na maipapatupad ng transition council.
Ang mahalaga ay sa panahon ng pakikibaka at transisyon, makapag-ipon ng ibayong lakas ang kilusan ng mamamayan, maisulong ang ilang kagyat na reporma, at mapaghandaan ang susunod na mga paglaban para maisulong ang tunay na pagbabago.
Hangad natin ang isang bansang tunay na malaya, makatarungan at demokratiko. Sinusulong natin ito ngayon, at hanggang sa mapalitan ang rehimeng Arroyo. Mahaba ang prosesong ito. Sa hinaharap, hangad natin ang isang gobyerno na tunay na maglilingkod sa interes ng mamamayan, di lamang ng iilan.
No comments:
Post a Comment