Tuesday, May 02, 2017

Sanggol sa Krame


Sanggol sa Krame
Ni Judy Taguiwalo

Makitid ang ating daigdig, anak.
Pinakikitid ng mga pader at alambreng tinik
na nakapaligid sa atin.
Pagtiisan ang biglang kalampag ng bakal na pintong
gumigising sa iyong pagkakahimbing.
Pagtiyagaan ang ilang sandaling ligaya't aliw dulot ng ating dalaw.

Pero, pakatandaan mo, anak.
May maluwang na daigdig sa labas:
gintong palay sa luntiang bukid,
matatayog na puno sa bughaw na bundok,
mababangong orkidyas sa birgong gubat.

Musmos ka pa, anak.
Maaga kang naisasalang
sa apoy ng pagsubok.
Sunggaban ang pagkakataong ito.
Patigasin ang buto't laman.
Patibayin ang tuhod at gulugod.

Ihanda ang sarili, anak,
para sa kinabukasan.