Ka Bel, guro ng uring manggagawa
by Mandy Felicia
May 22 2015
Pinoy Weekly
(Mensahe sa ika-7 taon ng paggunita sa kamatayan ni Ka Bel sa Plaza Miranda, Mayo 20, 2015)
Una kong nakadaupang palad si Crispin “Ka Bel” Beltran nang minsang nakisilong kami at nakigamit ng opisina ng PANALO dito sa Gusaling URC sa Espana Avenue. Mga kabataang aktibista kami noon na malaking bagay na ang makagamit ng opisina para sa mga pulong kaysa naman sa Luneta na nakabuyangyang o sa Fort Santiago na mahirap pumuslit dahil may entrance fee o kaya naman sa mga lobby ng ospital o kaya’y makipaglamay sa mga punerarya.
Bukas lagi ang opisina ng PANALO para sa mga estudyante at naaalala kong kabilang si Ka Bel sa mga masiglang tumatanggap sa amin doon. Tulad ng maraming kabataan, si Ka Bel ang idolong imahen ng abanteng uring manggagawa. Noong nag-crackdown ang diktadurang Marcos sa kilusang paggawa, kabilang na kami sa mga kabataang nakikisigaw ng “Ka Bert, Ka Bel, Palayain!”
Pero marami nang nakuwento sa kanya bilang lider-manggagawa: Kung paano siya nagsimula bilang lider ng mga taxi driver sa Yellow Taxi drivers Union na bag-as ng Amalgamated Taxi Drivers Association, sa Confederation of Labor Unions in the Philippines, na humantong sa Federations of Union in Rizal, sa PANALO at sa ANGLO hanggang sa napakahalagang papel ni Ka Bel sa pagtatatag at pagsulong ng Kilusang Mayo Uno bilang pinakamalawak, pinakamilitante at kinikilalang tunay na sentrong unyon sa Pilipinas.
Marami na ring nakuwento sa kanya bilang internasyonalista at sa mahalagang papel niya sa International League of Peoples’ Struggle. Gayundin maging sa kanyang maningning at walang bahid na rekord bilang mambababatas ng masa at para sa masa mula sa panahong ng BU-BU-CA-SA-TA-BE-MO ng Partido ng Bayan hanggang sa Bayan Muna at sa pinangunahan nitong Anakpawis Party-list. Marami nang nasabi tungkol sa kanyang di-matatawarang papel at kontribusyon pagbubukas ng pagbibigay-depenisyon sa larangang ito.
Ako po’y guro at si Ka Bel ang isa sa pinakamamahalagang nagturo sa akin kung paano maging guro at edukador. Hayaan n’yong ikuwento ko si Ka Bel bilang edukador ng mga manggagawa at ng mga maralita. Alam naman ng lahat na si Ka Bel ay aral sa noo’y sanayan ng mga lider-manggagawa na Asian Labor Education Center (ALEC) noong dekada ’50 at ngayon ay tinatawag na Solair sa UP. Kaya naman, pagdating sa diskusyon ay hindi mapapaikot si Ka Bel lalo na sa mga paksa sa kasaysayan ng kilusang paggawa at sa diskusyon ng taktika at estratehiya sa unyonismo, kilusang paggawa at kilusang welga.
Matapos ang eskuwela, nag-eskuwela akong muli sa paglahok ko sa mga institusyong pangmanggagawa bilang istap. Nakakasalamuha ko na noon si Ka Bel pero higit na naging mahigpit ang aming ugnayan nang maging istap ako ng kagawaran sa edukasyon ng KMU nang ang pambansang opisina’y sa Gusaling Jopson sa Bustillos. Kabilang si Ka Bel sa espesyal na mga guro sa Edgar Jopson Labor Training Center. Kahit abala, hindi humihindi si Ka Belk kapag nahilingang magtalakay ng mga paksa. Buong giliw siyang sumasama sa mga diskusyon at buong tiyagang nagpapaliwanag. Mula sa praktika ng pag-oorganisa hanggang sa mga klasikong araling manggagawa tulad ng sahod, presyo at tubo, o kaya’y imperyalismo: pinakamataas na yugto ng kapitalismo, o kaya’y mga prinsipyo ng tunay, palaban at makabayang unyonismo. Pero higit pa rito ang kanyang itinuro sa amin.
Siya’y edukador higit pa sa instruktor. Mahalaga sa kanya hindi lamang ang kanyang itinuturo kung di ang natutuhan mula sa diskusyon. Mahalaga sa kanya hindi lamang kung paano ipinapaliwanag kundi paano siya higit na mauunawaan. Itinuro niya na gawing buhay ang mga diskusyon sa pamamagitan ng mga halimbawang nakabatay sa mga aktuwal na kalagayan ng mga kalahok.
Madalas sabihin ni Ka Bel noon: “Yaong nangangahas magturo’y hindi dapat nagsasawang mag-aral. At ang mga nagsasalita’y dapat matutong makinig.” Itinuro ni Ka Bel na ang pagkatuto ay hindi isang direksiyon lang. Paborito niyang banggitin ang isang sipi mula kay Mao Zedong: “Saan nagmumula ang wastong ideya?” Nasa praktika, nasa produksiyon, nasa interaksiyon sa mga tao.
At tunay ngang ginagawa ni Ka Bel ang kanyang itinuturo. Hindi siya nagsasawang mag-aral. Magugulat ka na lang na sa kanyang notebook (kadalasan ay napaglumaang planner) ay may mga nakasingit na clippings ng diyaryo o kinopyang datos. Masarap basahin ang mga sulat ni Ka Bel dahil napahusay ng kanyang penmanship, praktisado kasi magsulat. Masinop ang kanyang notes kaya siguro sistematiko din niya itong nahahanap kung kailangan.
Kabilang si Ka Bel sa mga aktibong nakibahagi bilang discussant at reader nang binubuo noon ang “Kurso sa Pambansang Demokrasya” (KPD), nang nirerebisa ang sulating “Genuine Trade Unionism” (GTU), nang binabalangkas ang Kurso sa Sosyalismo. Napakarami na niyang gawain noon. At nahaharap din sa organisasyonal na mga paghamon noon ang KMU, pero laging may oras si Ka Bel para magkomentaryo sa mga borador, o kaya ay sumingit para magbigay kahit ilang paksa kapag sa Gusaling Jopson ang mga pag-aaral. Lagi niyang iginigiit noon na di dapat isakripisyo ang mga iskedyul ng mga pag-aaral at pagsasanay kahit na maraming gawain. Para sa kanya, ang edukasyon ang nagbibigay ng lalim sa organisasyon.
Sa okasyon ng ikapitong anibersaryo ng kanyang kamatayan, patuloy ang ating pinakamataas na pagpupugay kay Ka Bel, lider-mangagawa, lider-anakpawis, lider ng aping uri sa buong daigdig. Pero higit sa lahat, primera-klaseng edukador siya ng mga manggagawa at maralita.
Kung narito si Ka Bel, sigurado akong kasama natin siyang nagagalit sa nangyari sa Kentex, sa binuwag na piket sa Tanduay. Pero sigurado rin akong sasabihin niya: “Magalit tayo, pero hindi sapat ang galit. Kailangan nating patalasin ang ating isip, buuin ang pagsusuri, kailangan nating patatagin ang ating diwa at paninindigan. Hindi lang mga kalakal ang lilikhain ng mga manggagawa, kundi ang isang bagong sistemang panlipunan.”
Inspirasyon, huwaran at gabay sa mga edukador na tulad ko—Salamat, Ka Bel. Salamat sa lahat ng aming mga natutunan. Nais namin kayong dakilain sa pagsusulong at pagpapatuloy sa inyong simulain.
Si Mandy Felicia ay kasalukuyang direktor ng Institute for Labor and Industrial Relations at Assistant Professor, Department of Sociology and Anthropology sa Polytechnic University of the Philippines.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.