Wednesday, April 11, 2007

Tagapaggawa ng mga Bandera ng Bayan

Source: http://www.bayan.ph/pr/07/nr%20mar28-Parangal.htm

March 28, 2007

Parangal para kay Gene Abenes, Tagapaggawa ng mga Bandera ng Bayan


Taos pusong pakikiramay ang pinapaabot ng Bagong Alyansang Makabayan sa mga kamag anak at kaibigan ni Gene Abenes, dating bilanggong pulitikal at maliit na manggagawang-negosyante, na pumanaw sa edad 65 noong Marso 25, sa karamdamang empysema at iba pang komplikasyon dala ng sakit na ito.

Si Mang Gene, na nakagawiang naming tawagin, ay mas kilala sa mga kasaping organisasyon ng Bayan, bilang tagapaggawa ng mga bandera ng Bayan, Kmp, Pamalakaya, Selda, pati na rin ang NDF.

Ngunit kakaibang tagapaggawa ng mga bandera si Mang Gene.

Hindi siya yung klase ng tagapaggawa ng bandera na pagkatapos gawin ito ay kokolektahin ang sinisingil niyang pera bilang kabayaran sa kanyang serbisyo, kasama na rin dito ang mga nagastos niya sa pagbili ng tela at pinta.

Una sa lahat, pinaniwalaan niya ang mga prinsipyo na ipinaglalaban ng Bayan at mga kasaping organisasyon na ito.

Lumahok siya sa o sinuportahan niya ang mga pakikibaka ng mga ito sa iba't ibang rehimen na nagdaan mula kay Marcos hanggang kay Presidente Gloria Macapagal Arroyo.

Ayon sa kanya noong nabubuhay pa siya, sa pamamagitan ng paggawa niya ng mga banner at istrimer ng Bayan at iba pa, ay nalalaman niya ang mga isyu at kampanya na inilunsad, kagaya ng cha cha ni Ramos, ang pagpapatalsik sa baseng militar ng mga Kano, ang VFA, presyo ng langis, at marami pang iba mula dekada 80.

Noong 2005, ika-20 anibersaryo ng Bayan na idinaos namin sa UP Diliman, binigyan namin ng parangal ang mga martir ng Bayan at mga kasamang matagal nang nagtataguyod sa Bayan. Dumalo si Mang Gene sa anibersaryo.

Tuwang tuwa siya sa parangal na ibinigay sa kanya, at ipinagmalaki niya na nakagawa siya ng mahigit 800 bandera ng Bayan. Banggit din niya na may rekord nito ng eksaktong bilang ng bawat bandera ng bawat organisasyon na nagpagawa ng mga bandera.

Para sa Bayan, lumikha si Mang Gene ng isang espesyal na pormula ng pinta na nagpapatagal ng buhay ng kulay ng mga bandera ng Bayan laban sa init ng araw, ulan at malakas na hangin.

Sa tingin ng kanyang mga kaibigan, ang pagpipinta niya ng mga bandera ay magiging sanhi din ng pagkahina ng kanyang baga.

Ngunit hindi niya ito ininda sapagkat hilig niyang talaga ang gumawa ng mga bandera, at para sa kanya ang paggawa ng bandera ng Bayan at ibang organisasyon sa ilalim nito ay paglahok na rin niya sa mga pakikibaka nila sa lansangan laban sa mga krisis pangekonomiya at pulitikal na dulot ng mga rehimen na naglingkod at patuloy na naglilingkod sa mga dayuhan, malalaking panginoong maylupa at mga komprador sa ating bansa.

Si Mang Gene ay isa sa mga kasapi ng Selda sa sumama sa sinasabing class suit laban kay Marcos, at namatay siya na hindi niya nakuha ang danyos na dapat bahagi niya. Ang mga kagaya ni Mang Gene ay dapat nating ipaglaban kahit siya ay sumakabilang buhay na, sapagkat kailangan niya ng katarungan lalong lalo na sa ilalim ng rehimen na ito ni Presidente Gloria Macapagal Arroyo na hinihinalang ang kanyang rehimen ay nagastos na ang salapi na dapat ay napunta sa mga biktima ni Marcos.

Si Mang Gene ay namatay bunga ng isang karamdaman na resulta ng kanyang direktang paglahok sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino.

Mabubuhay ka aming alaala, Mang Gene!

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.