Deretsahan
Ay, Mali!
ni Horacio Paredes
Mayroong sinulat sina Regina Bengco at Jocelyn Montemayor sa pahayagang Malaya na maganda ring ipabasa sa ating mga reader ng Abante. Ayon sa dalawang reporter, kahit na raw sa kaniyang mga talumpati, si Gloria Arroyo ay nagsasalita ng Kastila, Ilokano, Bisaya, Cebuano at Chabacano, hindi pa rin siya magaling na "communicator." Ang isang rason ay dahil sa mga katagang Ingles ay kaniya lamang sinasalin sa Tagalog na, ayon sa kanilang report ay "some of her translations are so literal that they end up evoking images that range from funny to outrageous."
Naririto ang ilang halimbawa:
"Mag-impok ng kuryente at gasolina" o kaya'y "Mag-impok ng enerhiya". Ang gusto niyang sabihin sa Ingles ay "Save/conserve electricity and gasoline." Ngunit ang lumilitaw ay magsuwapang sa gasolina o enerhiya. Mas tama sana kung ang kaniyang ginamit ay "magtipid." Ang pag-iimpok ay pag-iipon kagaya ng kuwartang dinedeposito natin sa bangko.
Isang halimbawa pa ay amg kaniyang binigkas sa kaniyang Patubig project: "Inutusan ko na si (Pagcor official) at si (MWSS official) upang magkaroon ng tubig ang inyong mga pipa." Mas tama sana kung ang ginamit ay "tubo," kung saan dumadaan ang tubig. Ang "pipa" ay hindi katumbas ng " water pipe" sa Ingles kundi ng "pipe" na ginagamit sa paghitit ng tabako.
Isa pang maganda ang intensiyon ngunit mali ang dating: "Napaikot na natin ang ekonomiya." Ang gusto niyang sabihin ay: "We have turned the economy around." Ngunit, ang lumabas ay: "We have played around with the economy." "Nilaro ko ang ekonomiya." Sa kaniya ring mensahe noong Easter Sunday ng 2005. sinabi niya na: "Sana'y mapaikot na natin ang ekonomiya."
Ginamit na rin ni Gloria ang salitang "Nakakalbong dagat." Papaano naman kaya makakalbo ang dagat? Maaring makalbo ang gubat o ang bundok ngunit papaano naman makakalbo ang dagat?
Ang "Trangkasong ibon" kaya ang tamang kataga para sa Ingles na "Bird flu"?
Meron pang iba: "Buto ng ekonomiya at dugo ng komersyo" galing sa Ingles na "Backbone of the economy and lifeblood of commerce."
"Imprastrakturang mang-aaliw ng mamumuhunan" galing sa Ingles na "Infrastructure that would attract investors."
"Matipunong palatuntunang pambansa na sumisikat sa Silangan" galing sa Ingles na "strong national agenda rising in the East."
"Yungib ng terorismo" - Enclave of terrorism
"Masusing elemento" - Key element
"Lumipad na presyo - Soaring prices
"Sana ay magkatotoo ang inyong mga panaginip" - May your dreams come true
"Walang iniligtas" - No one is spared.
"Malakas na diin" - Strong emphasis
"Lumuluhang ekonomiya" - Bleeding economy
"Palengke" - (Stock) market
"Bukas na daang pandagat" - Vulnerable sea lanes
"Kumplot-kumplot/kumplot-plot" - Coup plot
"Mañoñog" - Coconut farmer
"Pañañari (mañañari/nañañari) - Event
"Kailangan natin ng malawak na pangharap para sa seguridad ng rehiyon" - We need a broader front for the security of the region
Eto naman ay katuwaan lamang. Sana kahit na ang mga maka-Gloria ay matuwa sa ginawa nating pagpuna at pagtuya. Baka namang maaari silang kumuha sa Malacanang ng ilang manunulat na nag-iisip sa Wikang Pambansa at hindi Ingles ang pag-iisip at kani la na lamang sinasalin sa Tagalog na mali-mali naman. Magaling nga siguro siya sa Ingles; ngunit, sa ating Wikang Pambansa'y bagsak ang grado ni Gloria.
* * *
Kung mayroon kayong hinahanap na kolum, tumungo lamang sa