Sunday, July 16, 2006

Para kay Solita "Mareng Winnie" Monsod

Para kay Solita "Mareng Winnie" Monsod
Teo S. Marasigan

Sumulat na ako sa iyo noon. Sariwa pa noon ang usapang "Hello Garci" at matapos ang ilang panahon ng pagmumuni – minsang sumama sa pagdarasal sa simbahan ni dating Pang. Corazon "Cory" Aquino – naging masugid kang tagapagtanggol ni Mrs. Gloria Macapagal-Arroyo. Tuwang-tuwa ka noon sa bangkaroteng argumento ni Presidential Management Staff Sec. Michael "Mike" Defensor, na nagsabing kahit ibigay ang lahat ng lamang ni Arroyo sa Mindanao sa kalaban niyang si Fernando Poe, Jr. sa halalang 2004, lalabas pa ring panalo ang tumawag kay COMELEC Commissioner Virgilio Garcillano.

Kakatapos ko lang manood ng programa mo – oo, nanonood pa rin ako kahit madalas akong mabwisit – tungkol sa pagiging ligal o iligal ng pag-atras ng suporta (withdrawal of support) ng sundalo sa pangulo ng bansa. Kahit malinaw na kontra-Arroyo at dawit sa kontrobersyang ito ang co-host mong si Oscar "Oca" Orbos, matapang mo pa ring inilahad ang opinyon mo hinggil sa inilabas na video ng pag-atras ni Brig. Gen. Danilo "Danny" Lim ng suporta kay Arrroyo. Malinaw na nananatili ang pagpanig mo kay Arroyo, katulad ng barumbadong si Cong. Luis Villafuerte. May tatlo kang punto, ayon sa iyo.

Una, ayon sa iyo, walang suportang popular ang ginawa – o ang nabigong gawin – nina Lim. Noong inatras ni dating Gen. Angelo Reyes ang suporta kay dating Pang. Joseph Estrada noong 2001, ayon sa iyo, ginawa lamang nila ang gusto ng taumbayang tatlong araw na natipon sa Edsa para manawagan kay Estrada na magbitiw. Taliwas dito, ayon sa iyo, nanawagan si Lim ng suporta at pagkilos ng taumbayan. Maingat ka: Hindi mo ikinumpara si Lim sa ginawa nina dating Gen. Fidel Ramos sa pagpapatalsik kay dating Pang. Ferdinand Marcos noong 1986 – dahil nga malinaw na magkatulad sila ng ginawa.

Mali ka. Malaganap ang pagtutol at paglaban ng sambayanan kay Arroyo. Sang-ayon sa surveys, siya na ang pinaka-inaayawang pangulo pagkatapos ni Marcos. Napakadami ng nananawagan na magbitiw na siya – kasama ang dalawang pinaka-popular na pangulo pagkatapos ng rehimeng Marcos. Higit pa rito, gayunman, hindi lamang suportang popular ang mahalaga sa anumang pagkilos laban sa pangulo. Sinasabing mas marami ang dumalo sa Edsa 3 kaysa sa Edsa 2 ngunit walang batayang moral ang pagkilos na ito. Iyon – ang "batayang moral" – ang dapat na pamantayan sa pagpanig.

Ikalawa, ayon sa iyo, hindi katanggap-tanggap ang plano ng mga grupo sa militar na palitan ang rehimen ni Arroyo ng isang transisyong konseho. Para sa iyo, pagsapaw ito ng talino ng iilan sa talino ng taumbayan. Kung papalitan si Arroyo, ayon sa iyo, dapat siyang palitan ng konstitusyunal na kahalili. Mainam at nasasabi mo na ito ngayon. Ibig sabihin, sa iyong hinagap ay napagmumunian mo na ang pagpalit kay Arroyo. Muli, maingat ka: Hindi mo sinabing ang lahat panukalang magbuo transisyong konseho ay nagsasabing kagyat na maglulunsad ang mga ito ng eleksyon upang palitan si Arroyo.

Pero mali ka. Tutol ka sa banta ng inaakala mong pagsapaw sa talino ng taumbayan ng talino ng iilang uupo sa transisyong konseho, pero ipinagtatanggol mo ang tunay at naganap nang pagsapaw ng talino ng iilan sa talino ng taumbayan. At iyan ay ang pandaraya ng pangkatin ni Arroyo – kasabwat si Garcillano at mga opisyal sa burukrasyang sibil at militar – sa halalang 2004. Nagiging katanggap-tanggap ang isang transisyong konseho kung ipapalit ito sa isang pekeng pangulong nandaya sa halalan at patuloy sa pagkapit-tuko sa kapangyarihan. Iyan at iba pa ang batayang moral nina Lim.

Ikatlo at panghuli, ayon sa iyo, dapat harapin ng mga kasangkot ang parusa sa kanilang aksyon. Na parang naparusahan si Ramos sa ginawa niya noong 1986 at si Reyes noong 2001. Alam mong hindi nyutral o walang-kiling ang nagpapatupad ng batas – "*the winner takes all*" – pero nasabi mo ang pagpapanagot nang lubos ang panggigigil. Dito, malinaw ang pagkampi mo kay Arroyo. May dalawang Winnie Monsod kung gayon: iyung naniniwala sa Diyos at may moralidad at prinsipyo, at iyung naniniwalang ayos at dapat lang gawin ng nasa kapangyarihan ang gusto niya, kahit pa mandaraya siya.

Tinutulan ng una si Marcos at kinampihan ng ikalawa si Arroyo – kahit pareho lamang sila. Mareng Winnie, pagpasyahan mo kung alin ang mangingibabaw sa dalawa.

Sumulat sa tsmarasigan_kritika@yahoo.com

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.