Wednesday, July 05, 2006

Ang Huling Ulat

*Thesis na lamang ang kulang ni Karen para magtapos siya ng kursong Sosyolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Bago siya magfile ng residency, nakakuha si Karen ng markang INC sa thesis na sa mga panahong iyon ay minarapat niya sanang tumalakay sa mga awit ng pakikibaka.

Ang Huling Ulat*
(para kay Karen)

mula sa blog ni Prof. Sarah Raymundo

At sa wakas napuno na ang gusgusing backpack

Gaya ng paghahanda sa mga nagawa nang ulat

Ang kasalakuyang pakay ay may malalim na ugat

Tigib ng sidhi at dalisay ng matalim na panulat



Hindi nagkasya sa puspusang pagkilos,

sa pagpapatag ng toreng garing na tila may tinutubos.

walang kursong hindi tinapos,

walang pulong na hindi iniraos



Liban sa isang ulat.



Kung ang pakikibaka ay may dalang awit

Bakit hindi suriin ang konteksto sa likod ng mga tinig?

Bakit hindi tuntunin ang kalikasan ng mga pananagisag

kung ang bawat teksto'y may kasaysayang dapat ihayag?



Peligroso ang panlipunang pagisisiysat

Sa Hagonoy, ang bawat tanong punglo ang katapat.

Nanaig ang sinsin na naisaulo,

Walang sosyolohiyang sumusuko sa pagpapakatao



Ngunit dumating na sa wakas ang laging inaasahan

Sa digmaan ng tao't berdugo, dayuhan ang kapanatagan

Habang may lamig pa ang hangin ng bukang-liwayway,

Habang 'di pa mawari kung ang orasan at gabi'y ganap nang nagkahiwalay,



Habang pilit na kinikilala ang mga yabag,

Habang ang guniguni'y nagiging pagtitiyak

Wala palang karahasan ang hindi nakagugulat

Saksihan mang paulit-ulit, hindi napapawi ang sindak.



Hindi pa dahil sa naduduwag ang katawan

Kundi dahil mahigpit ang tangan sa katuwiran

Katuwirang naninindigan para sa bawat katawan

Na matagal nang nilalabag nitong *di*-kaayusan.



Sa puntong iyon, tila walang bisa ang awit ng prostesta

Walang berdugong nadadala sa tipa ng gitara

Wala pang pagbabagong inianak ng mga makapangyarihang kanta

Ang suma-tutal: bala ang katapat ng bala



Dala ni Karen ay ang matalim niyang panulat

Dala ni Karen ay debosyon sa kanyang huling ulat

Na magmamarka ng kanyang pagtatapos

Na magpapasinaya ng susunod niyang pakikipagtuos



Sa mga sigalot sa nakilala niyang bayan,

na niyakap niyang parang sariling kasintahan.

May pwersa sa likod ng bawat balang nakatutok

May uring nakikinabang sa bawat aktibistang dinudukot



Ang ulat na sana'y maglalaman ng napiping kasaysayan

Malamang ay nasa backpack na naiwan sa kanayunan.

Pero si Karen at ang ulat ay wala nang pinagkaiba:

Inaabangan, inaasahan, ipinaglalaban.

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.