FROM:
Southern Tagalog Exposure
Mainit na pagbati! Sana'y nasa mabuting kalagayan tayong lahat kahit na kasindalang ng tubig sa disyerto sa ngayon ang mabubuting pangyayari sa ating bansa.
Noong Abril 28, isang makata -- si Axel Alejandro Pinpin, 1999 fellow ng UP Creative Writing Center at may-akda ng isang koleksiyon, ang “Tugmaang Walang Tugma” -- ay dinukot ng mga elemento ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Tagaytay City, kasama ng apat na iba pa. Pinararatangan silang mga "rebeldeng komunista" at kasangkot sa isang planong "destabilisasyon."
Si Pinpin, konsultant ng Kalipunan ng mga Magsasaka sa Kabite (Kamagsasaka-Ka) at ang kanyang mga kasamahan -- si Riel Custodio, kasapi rin ng Kamagsasaka-Ka; at sina Aristedes Sarmiento, Enrico Yba�ez at Michael Masayes ay papunta noon sa Maynila upang lumahok sa demonstrasyon ng Mayo 1. Ngunit bandang hapon niyon ay hindi na nila sinasagot ang mga text messages at tawag sa kanila, at doon lumitaw ang hinalang sila'y dinukot at nawawala.
Hapon na ng Mayo 1 nang sila'y iharap ng PNP sa midya sa isang press conference -- mahigit sa 48 oras mula nang sila'y "dakpin" -- at noon na lamang nalaman ng kanilang mga kasamahan at kamag-anak ang nangyari sa kanila.
Nang sila'y iharap sa midya, kapansin-pansing may benda ang paa ni Custodio, paika-ika si Sarmiento, at mukhang galing sa isang atake ng hika si Pinpin. Mga palatandaan ito na pinahirapan sila ng mga humahawak sa kanila.
Sila ngayo'y kumpirmadong nakapiit sa Camp Vicente Lim sa Canlubang, Laguna. Magpahanggang sa mga oras na ito'y nahihirapan sa pakikipag-ugnayan sa kanila ang mga kasamahan at kamag-anak nila.
Kung may kasalanan man sina Pinpin upang sila'y ganoonin, iyon ay walang iba kundi ang kanilang pagiging kasapi ng isang ligal na progresibong organisasyon. Hindi iilang batayang karapatang sibil ang nilalabag sa ganitong pangyayari.
Kaugnay nito, ang Southern Tagalog Exposure, sa pakikipagtulungan sa Artists for the Removal of Gloria (ARREST Gloria), ay magsasagawa ng isang poetry at music night sa Mayo 31, 7-10 p.m., sa Mag:Net Katipunan.
Gayundin, ang KM64 sa pakikipagtulungan sa Artists for the Removal of Gloria (ARREST Gloria), ay maglulunsad ng kaparehong aktibidad na may pamagat na “Tugma sa Laya II”. Ito naman ay gaganapin sa Bahandi, J. Nakpil st., Malate, Manila.
Matatagpuan ang mga tula ni Pinpin sa www.geocities.com/tugmaan.
Sana'y makaisa namin kayo sa gabing ito.
Para sa bayan,
King Catoy
Miyembro, Southern Tagalog Exposure at ARREST GLORIA!
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.