KARAPATAN – Camarines Sur
3rd Floor, New Barangay Govt. Bldg. Del Rosario, Naga
City
FACTSHEET
Tipo ng Paglabag: Frustrated Killing; Harassment
Pangalan ng mga Biktima:
Frustrated Killing - Nicanor Briones, 42, Pangulo ng National Federation of Sugar Workers (NFSW)- Camarines Sur, isang pederasyon sa ilalim ng KMU- Kilusang Mayo Uno.
Harassment – Eric Torrecampo, Jariz Vida, Leo Caballero, Nida Barcenas, Norberto Autor at Isandaan at dalawampu’t-pitong (127) kalahok sa Caravan na pinamumunuan ng Bagong Alyansang Makabayan-BAYAN-Camarines Sur
Petsa ng Pangyayari: Ika-6 ng Abril 2006
Lugar na Pinangyarihan: CBD (Central Business District) II – Bus Terminal, Trianggulo, Naga City
Pinaghihinalaang May Kagagawan: Dalawang (2) kalalakihang sakay ng isang motor na nakasuot ng crash helmet, armado ng kalibre .45 baril na may silencer, na hinihinalang mga elemento ng Death Squad ng Militar
Posibleng Motibo: Tangkang pagpatay sa lider-aktibista upang maghasik ng teror.
Detalye ng mga Pangyayari:
Ika-6 ng Abril 2006, ika-2:20 n.h, habang nagtitipon ang mga lider ng delegasyon sa papatapos na programa sa inilulunsad na Caravan ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN)-Camarines Sur laban sa Charter Change (CHA-CHA) at Represyong Pulitikal sa harap ng CBD-Bus Terminal sa Naga City, isang motorsiklo sakay ang dalawang (2) kalalakihan na nakasuot pa ng crash helmet ang tumigil sa tapat ng mga nakatipong lider.
Isa sa dalawang lalaki ang bumaba sa motorsiklo, dalawang (2) metro lamang ang layo sa nag-uusap na mga lider, bitbit ang kalibre .45 baril na may silencer at agad na pinaputukan nang anim (6) na sunud-sunod si Nicanor Briones, 42 taong gulang, Pangulo ng National Federation of Sugar Wokers (NFSW)-KMU - Camarines Sur. Matapos nito, agad ding sumakay sa naghihintay na motor ang salarin kasama ang isa pa at sumibad palayo.
Si Nicanor ay agad na isinugod sa Bicol Medical Center. Siya ay nagtamo ng limang (5) tama ng bala sa katawan at isa sa kaliwang hita. Nakatakda siyang sumailalim sa isang operasyon.
Ang mga nakatipong lider kasama ni Nicanor nang mangyari ang malapitang pamamaril ay sina Eric Torrecampo ng BAYAN, Jariz Vida ng BAYAN MUNA Nida Barcenas at Leo Caballero ng KARAPATAN, at Norberto Autor ng BCPAI (Bicol Coconut Planters’ Assoc. Inc.)
Bago naganap ang insidenteng ito, ang buong delegasyon ng Caravan Laban sa Cha-Cha at Represyong Pulitikal na binubuo ng isandaan at dalawampu’t-pitong (127) indibidwal na kasapi ng iba’t-ibang organisasyon sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan-Camarines Sur, sakay ng 7 sasakyan, ay naglunsad ng kalahating araw na programa sa Plaza Quince sa siyudad ng Naga, Camarines Sur bago nag-Caravan paikot sa buong Centro.
Ipinalalagay na may kaugnayan sa pangyayaring ito ang tatlong (3) serye ng pagpipinta at pagdidikit nito lamang huling linggo ng Marso ng mga mapanirang pahayag laban sa ANAKPAWIS, KMU at KMP sa mismong opisina nito at sa paligid ng Centro sa siyudad ng Naga.
Inihanda ni:
LEO CABALLERO
Pangkalahatang Kalihim
KARAPATAN-Camarines Sur
Ika-7 ng Abril 2006
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.