Dalawampung taon matapos bumagsak ang diktadurang Marcos sa mapayapang pag-aalsa ng mamamayan sa EDSA, nakaambang muli ang panunumbalik ng lagim ng Batas Militar sa ilalim ng Presidential Proclamation 1017 o State of National Emergency ni Gloria Macapagal-Arroyo.
*Paano nga ba ibinabalik ng State of National Emergency (Proclamation 1017) ni Arroyo ang Batas Militar? Ano ang pagkakahalintulad ng Proclamation 1017 at Batas Militar?*
*BATAS MILITAR*
� Pag-aresto at pagkulong ng walang kaukulang warrant sa mga lider ng oposisyon, mga lider ng mga militanteng grupo at indibidwal na kritikal sa pamahalaan
� Pagpapasara ng mass media, maliban sa mga istasyon o publikasyon na kontrolado ng gobyerno
� Pagsikil sa freedom of the press
� Pagbabawal sa kahit anong rally o asembleya o paggu-grupo-grupo ng mga tao
� Pagbabawal sa kahit anong aktibidad na laban sa gobyerno� Pagsikil sa freedom of assembly at freedom of expression
*STATE OF NATIONAL EMERGENCY*
� Pag-aresto at pagkulong ng walang kaukulang warrant sa mga lider ng oposisyon, mga lider ng mga militanteng grupo at indibidwal na kritikal sa pamahalaan
� Pag-raid at pagpapasara o pag-takeover ng mga media outfit na kilalang kritikal o bumabatikos sa pamahalaang Arroyo
� Pagsikil sa freedom of the press� Pagbabawal sa kahit anong rally at pagkakansela ng mga nauna nang inisyu na rally permit� Marahas na pagbuwag sa kahit anong kilos protesta laban sa gobyerno
� Pagbabawal ng pagsasagawa ng press conference na tumutuligsa sa gobyerno
� Pagsikil sa freedom of assembly at freedom of expression
Hindi pa man pormal na idinedeklara ni Arroyo ang Batas Militar, dinakip at ikinulong ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame si Anakpawis Representative Crispin Beltran ilang oras matapos ibaba ang State of National Emergency. Kasama na rin sanang nakakulong si Bayan Muna Representative Satur Ocampo kung hindi nito natakasan ang mga miyembro ng PNP na inatasang dakpin siya.
Ni-raid naman ng pulisya ang imprenta at opisina ng Daily Tribune at tinangka ring pasukin ang tanggapan ng Abante.
Inaasahang darami pa ang mga ganitong kaso ng warrantless arrests at iligal na raid sa mga susunod na araw kung pagbabatayan ang sinabi ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) na may hawak itong listahan ng mga 'kasabwat' sa bigong kudeta. Sinasabing kabilang sa listahang ito ang ilang retiradong heneral, mga lider ng oposisyon at militanteng mga grupo, ilang obispo at mga miyembro ng media, na pawang mga mahihigpit na kritiko ni Arroyo.
Ano ang epekto ng Proclamation 1017 sa ating mga kabataa't estudyante? Matapos ideklara ang State of National Emergency, kaagad na nagpakalat ng mga miyembro ng SWAT, pulisya at mga di unipormadong intelligence operatives ang AFP at PNP sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa Diliman at Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Sta. Mesa na mga kilalang hotbed ng student activism.
Unti-unting ginagawang garrison ng State of National Emergency ni Arroyo ang mga eskwelahan, upang bantayan ang kilos ng mga student council, organizations at campus press na kilalang kritikal sa gobyerno.
Sa pagtindi ng sitwasyong pulitikal sa bansa, hindi rin malayong dumulo ang Proclamation 1017 sa arbitraryong pagpapasara ng mga student council at publications at ang pagdampot sa mga lider estudyante.
Ganun din ang ginagawa ngayon sa iba't ibang komunidad, partikular sa Metro Manila. Nagkalat na ang mga checkpoint at hindi rin malayong magsagawa ng pagsosona para habulin ang mga organisador at miyembro ng mga anti-Arroyong pangmasang organisasyon sa mga komunidad. Maaari ring magpatupad ng curfew sa mga susunod na araw katulad ng ginawa noong Batas Militar.
*Bakit nagdeklara si Arroyo ng State of National Emergency?*
Kahit kailan, hindi naging marka ng kalakasan ang paggamit ng dahas at panunupil. Sinasalamin ng State of National Emergency ang isang gobyernong nasa bingit na ng pagbagsak.
Malinaw ang pakay ni Arroyo sa pagdedeklara ng State of National Emergency. Ito ay upang isalba ang kanyang rehimen mula sa tuluyang pagguho, pigilan ang sunud-sunod na pagbaligtad sa hanay ng militar at durugin ang lumalakas ng kilusang anti-Arroyo.
*Ano ang ating magagawa?*
Sa ganitong pangyayari, patuloy na nailalantad ang tunay na mukha ni Arroyo at napapatunayan ang kawastuhan at pangangailangan na kagyat na siyang paalisin sa pwesto.
Hinahamon ng kasalukuyang panahon ang bawat kabataan at mamamayan na lumaban sa panibagong diktadura. Mag-isip at magpaunlad ng iba't ibang mga mapanlikhang paraan ng pagprotesta laban sa umuusbong na diktadurya ni Arroyo.
Sa harap ng matinding panunupil, ngayon ang panahon ng pagtindig at pagkilos. Sa halip na matakot, ito ang panahon upang higit na magkaisa upang ipagtanggol ang ating kalayaan, demokrasya at mga lehitimong karapatan.
*Makibaka, huwag matakot!*
*Ipagtanggol ang kalayaan, demokrasya at karapatan!*
*Patalisikin ang Diktadurang Arroyo!*
*Youth Demanding Arroyo's Removal (Youth DARE)*
*Gloria Step Down Movement - Youth*
http://www.wrongbee.blogspot.com
http://youngradicals.blogspot.com
http://www.anakbayan.cjb.net
No comments:
Post a Comment