Friday, February 10, 2006

pahabol sa "wowowee" tragedy

Lumuwa man ang ating mga mata sa pagluha, hiwain man natin ang ating dibdib sa pagdadalamhati, hindi na maibabalik ang buhay ng mga nasawi.

Para sa akin, totoong usapin ito ng kahirapan, at kabulukan ng sistemang umiiral sa ating lipunan. But specific tragedies require specific acts of justice. Kasinghalagang usapin ang hustisya, ang managot ang tuwirang maysala at nagpabaya.

Kalkulado ang paglikha ng isterya: dagsa-dagsang mamamayan na mag-aagawan sa papremyo; libu-libong tao na magmamakaawang maambunan man lamang ng grasyang ipamumudmod. Propaganda kung baga, na magpapakita kung gaano kalaki ang balon ng kanilang mga tagahanga kahit pa gamitin ang pinakamalalang anyo ng indibidwalismo : tigre sa tigreng pag-aagawan sa karampot na karneng nakatiwangwang.

Ngunit hindi kalkulado ang trahedyang maaring iluwal nito, kaya’t suma total, walang naging seryoso at masusing paghahanda para sa pamamahala at pagmamando ng ganoong kalaking bilang ng tao; wala maging ang mga kagamitang makakapagtiyak man lang sana ng mando at daloy ng napakaraming katawan. Pinakasimple sana : isang malaking public address system at mga guwardiyang nakadeploy sa bawat bahagdan upang magtiyak ng kaayusan.

Ang kabilang mukha ng usapin para sa akin, at siyang tunay na mabigat sa dibdib: ang masang hindi mulat ay sadyang kawawa.

Ang masang umaasa sa kalangitan o sa kapalaran, at hindi unawa na ang kaligtasan ay nasa sariling kamay at sa pagkakaisa, ay walang-wala.

Ang masang hindi pa alam magwaksi ng bulok na kulturang pilit inilalako ng mga reaksyonaryo ay biktima ng sariling kawalang-alam.

Ang masa, kapag hindi organisado sa kilusang mapagpalaya, ay walang masasandigan.

Sa malalaking kilos protesta na inilulunsad ng nakikibakang mamamayan, hindi natin nararanasan ang ganitong pag-uunahan. Walang nasasaktan, maliban na lamang kung mga bala mula sa baril ng estado ang pakakawalan. At kapag may nabuwal o nasaktan o naiwan habang tayo’y nagtatakbuhan, pilit at pilit nating siya’y binabalikan.

Kung meron man tayong dapat ipagdalamhati, para sa akin, ay yung katotohanang napakalaki pa ng bilang ng masang dapat nating abutin; napakalaki pa ng pagpapaliwanag na dapat nating gawin upang tuluyang mabaklas ang atrasadong kultura, at ang kabuluk-bulukang sistemang palipunang nagsasadlak sa masa sa pinakabusabos na kalagayan.#

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.