Kundenahin ang Ilegal na Demolisyon sa Lupang Pag-aari ni Revilla sa
Bgy. Cabangaan Singilin at Pagbayarin si Ramon Revilla sa mga Krimen
Nito sa Mamamayan
SILANG, CAVITE (Pebrero 3, 2006). Mariing kinukondena ng mga
magsasaka sa Bgy. Cabangaan ang naganap na demolisyon ngayong araw na ito sa
kanilang mga tahanan. Ito ay matapos na ipag-utos ni dating Sen. Ramon
Revilla, Sr. ang pagpapademolis sa 44 na kabahayan ng mga
tenante-magsasaka sa kanyang 25-ektaryang lupang pag-aari.
Ilegal itong isinagawa sa pangunguna ni Sheriff Ricardo Crucido ng
Dept. of Agraran Reform Adjudicatory Board-Cavite, at Chief Supt. Rodel
Sermonia na hepe ng Provincial Intelligence Office ng Cavite. Dinemolis
ang 44 na kabahayan sa Bgy. Cabangaan, Silang sa kabila ng may
nakabinbing pang usapin na nakasampa sa DARAB-Central Office.
Hindi kukulangin sa 300 elemento ng composite team ng PNP-SWAT-PPMG
at Phil. Army kasama ang 2 bus na demolition team-segurity guard na
pinamumunuan ng isang R. Belleza Rocky Security Agency ang dumating ganap
na alas sais ng umaga sa komunidad ng magsasaka. Walang pakundangang
pinagpapalo ng mga ito ang aapatnapung (40) magsasaka na nakipagnegosasyon
kay Crucido.
Bago mag-alas y nuebe ng umaga, ganap nang nagiba ang 44 na
kabahayan.
Hindi makatarungan ang naganap na demolisyon. Malinaw na pagmamalabis
sa kapangyarihan bilang isang opisyal ng gobyerno ang ginawa ni Revilla
sa kanyang mga tenante at mamamayan ng Bgy. Cabangaan.
Hindi iiwan ng mga magsasaka at mamamayan ng Bgy. Cabangaan ang
kanilang lupang malaon nang sinasaka at pinagkunan ng kabuhayan.
KAILANMAN AY HINDI TUTOL ANG KILUSANG MAGBUBUKID SA LALAWIGAN NG
CAVITE SAMPU NG KASAPIAN NITO SA PAGBABAGO AT KAUNLARAN. HANGGA'T ANG MGA
PAGBABAGO AT KAUNLARANG ITO AY HINDI MAGDUDULOT NG PAGKASIRA NG
KAPALIGIRAN AT PAGKAWALA NG KABUHAYAN NG MGA MAGSASAKA – KATUWANG ANG SEKTOR NG
MAGBUBUKID PARA SA PAGPAPATUPAD NG MGA ITO.
Walang maaasahang awa mula sa kontra-magsasakang asta ni Revilla.
Kailanman ay hindi siya nagpakita ng kunsiderasyon sa kanyang mga tenante.
Manapa'y puro pagbabanta at pagyurak sa kanilang pagkatao ang ginagawa
ng dating Senador. Kahit ang mga kaibigang Madre at Pari ng mga
magsasaka ay makakapagpatunay nito kung papaanong walang pakundangang
ginigipit ni Revilla ang mga magsasaka.
Sa ganitong kalagayan, naninindigan ang mga mamamayan sa Bgy.
Cabangaan kasama ang buong kilusang magbubukid sa Cavite na ang tanging
kalutasan ng problemang ito sa kanilang lupang sakahan at pook panirahan ay
nakasalalay sa kanilang pagkakaisa. Hindi kailanman isusuko ng mga
mamamayan ng Bgy. Cabangaan ang kanilang karapatan. Hangga't walang
katiyakan para sa kanilang kabuhayan at pook panirahan, hindi magkakaroon ng
katapusan ang usaping ito sa lupang pag-aari ng mga Revilla.
Hindi tulad ng pelikulang Exodus ang nagaganap sa Bgy. Cabangaan na
ang tanging malakas at makapangyarihan ay ang angkan ng Haring si Ramon
Revilla. Ang nagaganap dito ay isang tunay-na-buhay-na-pakikibaka ng
mamamayan kung saan ang higit na mapagpasya at makakapangyari ay ang mga
demokratikong interes ng mas nakararami.###
Reference: Kalipunan ng mga Magbubukid sa Kabite
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.