Monday, December 05, 2005

Wala pa ring katarungan sa Aurora

TRO Laban sa Mayor ng Casiguran (pabor sa IDC): Simbolo ng Kawalang Katarungan! Mga Pagkilos Laban sa Muling Operasyon ng Logging sa Aurora, Paiigtingin!

Mahigpit na kinokondena ng Multi-Sectoral Action Group (MSAG) Aurora, ang pagpapalabas ng TRO laban kay Casiguran, Aurora Mayor Reynaldo Bitong. Ang TRO na inisyu ni RTC Branch 66 Judge Soluren ay bunsod ng Petition for Mandamus, with prayer for TRO, na isinampa ng Industries Development Corporation (IDC) laban sa naturang Mayor. Nagsasaad ang TRO ng pagbabawal kay Mayor Bitong na:
  • isara o ipag-utos ang pagsasara ng logpond, sawmill at veneer plant ng IDC na nasa Brgy. Dibacong, Casiguran, Aurora;
  • hadlangan o ipag-utos na hadlangan ang pagpasok ng mga truck ng IDC o pagdadala ng troso ng mga ito mula sa Dilasag patungo sa planta nito sa Dibacong, Casiguran;
  • pigilan/ pagbawalan o ipag-utos na bawalang pumasok sa trabaho ang mga kawani ng IDC; o
  • anumang hakbang na makakahadlang sa operasyon ng IDC;


Ang kaso ay nagsimula matapos hindi bigyan o payagang mag-renew ni Mayor Bitong ng business/ Mayor’s Permit ang IDC. Ayon sa Mayor, walang maipakita ang kumpanya na kopya ng Environmental Compliance Certificate (ECC) para sa kanilang logpond, sawmill at veneer plant na nasa bayan ng Casiguran. Wala rin di umanong ibinigay na kopya ng kanilang Integrated Operational Plan (IOP) ang kumpanya upang may pagbatayan ang munisipalidad kung paano protektahan ang babayin ng Casiguran kung saan itinatapon ng IDC ang kanilang kusot (saw dust) at iba pang basura at ang paggamit ng kumpanya sa baybaying ito bilang daungan.

Ang IDC ay kumpanya ng logging na mahigit apatnapung (40) taon nang nagpapasasa sa kagubatan ng Aurora. Ito ang isa sa mga kumalbo at patuloy na pumapanot sa mga kabundukan ng Dinalungan, Casiguran at Dilasag (DICADI). Naging mainit ang pagtutol ng mga mamamayan ng Casiguran matapos makaranas ng matinding pagbaha ng putik at landslide noong Hulyo 2003, sa paghagupit ng Bagyong Harurot na sumira sa daang milyong halaga ng mga ari-arian at imprastraktura.

Pansamantalang nahinto ang operasyon ng IDC matapos ipag-utos ng DENR ang moro-morong “suspension” ng operasyon ng mga kumpanya ng logging sa buong bansa noong Disyembre 2004, matapos muling makaranaa ang Aurora ng mga flashflood. Sa kabila nito, ipinag-utos ni DENR Sec. Mike Defensor ang lifting ng harvesting operation ng IDC noong August 17, 2005 (isang araw matapos payagan ang muling operasyon ng San Jose Lumber sa Samar). Sa kabila ng TRO na ipinalabas ng hukuman, naninindigan ang mga mamamayan ng Dinalungan, Casiguran at Dilasag, na HADLANGAN ang anumang muling operasyon ng Industries Development Corporation (IDC) o anumang kumpanya ng logging sa kanilang bayan. Habang pinakikitunguhan ng lokal na pamahalaan ang usapin sa hukuman, paiigtingin naman ng Save DICADI Movement, sa pakikipatulungan ng Multi-Sectoral Action Group (MSAG) Aurora at mga kaalyadong organisasyon, ang pagsusulong ng mga pagkilos ng mamamayan upang hadlangan sa lahat ng paraan, ang muling operasyon ng mga kumpanya ng logging at pagtatangka ng pagmimina sa Aurora.

Sa tukoy, pasisiglahin ng MSAG Aurora ang paglulunsad ng mga pag-aaral sa malawak ng bilang ng mamamayan kaugnay sa usapin ng logging at mining; palalakasin ang mga organisasyon at pormasyong nagsusulong ng laban sa malawakang logging; at pasisigabuhin ang mga pagkilos mula sa petisyon hanggang sa iba’t ibang porma ng mga kilos-protesta at malawakang mobilisasyon. Kabilang na sa mga aktibidad na ito ay ang ilulunsad na Provincial Conference on Logging and Mining sa December 12 at 13, 2005.

Muli, pinag-iibayo ng MSAG Aurora ang panawagan para
  1. Wakasan na ang anumang uri ng komersyal na operasyon ng logging sa buong lalawigan ng Aurora. Nangangahulugan ito ng pagkansela o pagbawi sa anumang uri ng permit (TLA/ IFMA/ SPLTL/ CBFM) ng mga konsesyunaryo at pagpapatigil sa operasyon ng mga sawmill: (1) Pacific Timber Export Corporation (PATECO) sa Dilasag; (2)Industries Development Corporation (IDC) sa Dinalungan, Casiguran at Dilasag; (3) RCC Lumber sa Dinalungan;(4) Toplite Lumber sa Dipaculao;(5) Verdant Agro-Forest Development Corporation (VAFDC) sa Dipaculao; (6) Inter-Pacific Forest Resources Corporation (IFRC) sa San Luis at Dingalan; (7) Benson Realty Development Corporation sa San Luis; (8) San Roque Sawmill Corporation sa San Luis; at(9) Green Circle Properties Corporation sa Dingalan;
  2. Imbistigahan ang mga tiwaling opisyal at kawani ng mga kinauukulang ahensya partikular ang DENR at papanagutin sila sa mga pagpapabaya at pakikipagsabwatan sa mga mapanira ng kalikasan.
  3. Isabatas ang Large-Scale Commercial o Corporate Log Ban sa Aurora. Matapos kanselahin ang logging permit, hwag nang magbigay pa ng kahit anong instrumento para sa komersyal na operasyon ng logging. Dagdag dito, dapat ding patawan ng bayad pinsala ang mga kumpanyang nagpasasa at sumira sa kagubatan ng Aurora; at papanagutin sila sa mga nasirang ari-arian at buhay ng mga biktima ng mga nakaraang pagbaha.
  4. Magkaroon ng Tunay at Komprehensibong Rehabilitation Program partikular sa mga lugar na sinalanta ng mga kumpanya ng logging. Sa kagyat ay kailangang maideklara ang mga watershed, lalo na ang mga nasa kritikal na yugto ng pagkasira. Kaakibat din nito ang puspusang rehabilitasyon at pagpapaunlad ng mga ito.
  5. Kailangang magbalangkas ang pangmatagalang plano para sa tunay pangangalaga at rehabilitasyon ng kalikasan. Dapat ding tiyakin na ang ahensya sa pagpapatupad nito ay tunay na nagmamalasakit sa kapakanan ng higit na nakararaming mamamayan at hindi ng iilan at mga dayuhan.
(END)

Reference:
Multi-Sectoral Action Group (MSAG) Aurora
c/o BATARIS Formation Center
Baler 3200 Aurora

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.