Thursday, December 01, 2005

Church-people not safe

Press Statement
Nobyembre 28,2005

TAONG-SIMBAHAN, HINDI LIGTAS SA PAGHAHASIK NG TERORISMO NG ESTADO!

Apatot, San Esteban – Dakong alas-diyes ng gabi ng Nobyembre 28, matapos manggaling sa isang Paralegal Training ng Ilocos Human Rights Advocates bilang Resource Speaker, si Pepe Manegdeg, Coordinator ng Rural Missionaries of the Philippines(RMP) ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines(AMRSP) para sa Ilocos at Cordillera Region ay binaril at pinatay ng mga di pa nakikilalang armadong kalalakihan na lulan ng motorsiklo sa National Highway sa lugar na ito.

Ayon sa traysikel drayber na naghatid kay Manegdeg sa highway mula sa naturang training, dalawang lalaki ang nakaabang na sa waiting shed kung saan bumaba si Manegdeg upang mag-abang ng bus papuntang Manila. Susunduin ni Manegdeg sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang kanyang maybahay na parating galing abroad. Dagdag pa, pagbaba ni Manegdeg mula sa traysikel na sinakyan, bigla itong sinunggaban ng isa sa mga lalaking nakaabang habang ang isa pa ay nagsilbing look out. Ayon sa mga saksi, bago sinunggaban si Manegdeg ay nakipag-usap pa ang isa sa kanyang cellphone at tinanong ang kausap ng “Sir, kukunin na ba namin ito?” Pagbaba ng cellphone ng lalaki ay sabay sunggab kay Manegdeg. Nang pumalag at tinangkang tumakbo ni Manegdeg, ayon sa iba pang mga saksi ay pinaputukan ito ng anim na beses. Lima ang tumama sa iba’t ibang parte ng katawan ni Manegdeg.

Ayon pa sa mga saksi, pagkatapos pagbabarilin at patayin si Manegdeg ng dalawang kalalakihan, isinakay ang ginamit na motorsiklo sa isang puting pick-up palabas at palayo sa lugar na pinangyarihan. Iniwan ang bangkay ni Manegdeg sa tabi ng daan matapos itong kaladkarin.

“Ang karumaldumal na pagpaslang kay Pepe ay malinaw na larawan ng karahasan ng estado. Si Pepe Manegdeg ay kilalang matapat na church worker na taos-pusong tumutulong sa pagtataguyod at pakikipaglaban para sa karapatang pantao,” ayon sa PCPR.

Idinagdag din ng IHRA na ang nangyari kay Manegdeg ay ilan lamang sa mga napakarami nang kaso ng paglabag sa karapatang-pantao sa ilalim ng rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo na kung saan ay nagpapakita ng marahas na pamamaraan ng estado upang patahimikin at supilin ang mga indibidual o mga grupo na puspusang nagtataguyod sa karapatang pantao.

Promotion of Church People’s Response (PCPR) - ILOCOS

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.