Friday, October 28, 2005

Apoy at Bakal

Si Ka Ric

Amoy bakal at apoy ang dugong natutuyo. Parang pinturang malagkit at hindi na kayang palabnawin ng thinner o tubig. Parang malungkot na panaginip na sumabog at kumalat, at hindi na maaring buuin pang muli.

Sumama ako kanina sa fact-finding mission sa Barangay Mapalaksiaw, Tarlac upang alamin ang mga detalye ng malupit na pagpaslang kay Ka Ricardo 'Ric' Ramos, kapitang baranggay ng Mapalaksiaw, enhinyero, at tagapangulo ng Central Azucarera de Tarlac Labor Union (CATLU) sa Hacienda Luisita ng mga Cojuangco.

Pinatay kagabi si Ka Ric bandang alas-9 ng gabi habang sya'y nakikipagkwentuhan sa kanyang mga kasamang baranggay tanod at kamanggagawa sa isang kubo malapit sa kanyang bahay. Dalawang bala ng M14 ang kumitil sa kanyang buhay: inasinta sya at tinamaan sa mukha at sa ulo: sumabog ang tuktok ng bao ng kanyang ulo, napingas ang kanyang kaliwang tenga at sumambulat ang kanyang dugo at piraso ng kanyang utak sa bubong, papag at pinto ng maliit na kubong naging saksi sa kanyang mga huling ngiti at halakhak.

Mahusay ang bumaril. Sa gitna ng kalat na dilim, nagawa nyang sipatin si Ka Ric at tiyaking sya ang tatamaan. Singbilis at singlinis ng kidlat na sumuot sa siwang ng kawayan at pawid na bakuran at gilid ng kubo ang mga bala, at inutas ang buhay ni Ka Ric. Humandusay ang kanyang patay na katawan sa alikabok at lupa, habang tumulo naman ang dugong tumagas mula sa kanyang ulong nabutas ng punglo.

Sino pa ba ang maaring gumawa ng gayung ka-eksperto at kalinis na pagpatay kundi ang militar? At sino ba ang may pinakamalaking pakinabang sa pagkawala ni Ka Ric kundi ang management ng Hacienda Luisita -- ang mga sakim at ganid na Cojuangco?

May 300 metro ang layo mula sa pinangyarihan ng krimen, naroon ang detachment ng Philippine Army at ng CAFGU. Ayaw nilang magsalita, silang mga mukhang banggag at lasing na mga lalaking inabutan namin sa kampo. Bagamat mga naka-tsinelas at nakapambahay, bitbit nila ang mga mahahabang armas na M16 at M14. Nakapulupot na parang mga maamong sawa sa kanilang mga braso ang bandolier na puno ng mga bala.

Asan sila kagabi nang umalingawngaw ang mga putok? Wala daw silang narinig. Nanood kasi sila ng tv.

Wala ba silang alam tungkol sa kaguluhan kagabi? Wala. Maari bang magtanong na lang sa kanilang superyor, at sana wag nang magsama ng camera crew?

Bakit sila naglalagi sa gitna ng isang komunidad ng mga sibilyan?

Hindi nila alam. Dineploy lang daw sila dun. Nasisilaw daw sila sa ilaw ng kamera. Wala silang alam. Hindi nila alam kung anong gulo ang nangyari. Wala silang alam.

Isang araw bago pinatay si Ka Ric at nabutas ang kanyang ulo at tumalsik ang kanyang dugo at utak sa kisame, dingding, pinto at papag ng kubo na naging saksi sa kanyang mga huling ngiti at halakhak, may dalawang miyembro ng Philippine Army na pumunta sa kanyang bahay.

May listahan silang gustong ikunsulta kay Ka Ric.

Listahan ng mga pinaghihinalaang mga miyembro ng New People's Army (NPA).

Wala noon sa bahay si Ka Ric. Nasa piketlayn. Mga kasama nya sa bahay (asawa? kapatid? pamangkin?) ang tumanggap sa iniwang listahan. Nang dumating si Ka Ric, lubos ang kanyang galit.

"Hindi ninyo dapat tinanggap yan! Pinagbibintangan ang mga welgista at simpatisador sa welga bilang NPA! Hindi ako papayag na kasangkapanin ako sa pagpapahamak sa aking mga kasama at kapitbahay!"

Hindi nakuha si Ka Ric sa pananakot at panunuhol. Hindi sya natinag sa pamumuno laban ng mga manggagawa ng Hacienda. Hindi nya ipinagkanulo sa mga Cojuangco ang kanyang mga opisyales at miyembro, ang kanyang mga kapitbahay at kamanggagawa.

Hindi sya nagawang takutin o bilhin, kaya't siya'y pinatay na lang. Kung di madala sa pakiusap, patahimikin ang kausap.


Si Ka Fedie

Hindi pa kami tapos sa pagsisiyasat nang pumasok ang isa pang text. Pinatay 5:30 ng hapon si Ka Fedie de Leon, tagapangulo ng Anakpawis-Bulacan, at tagapangulo din ng PISTON sa naturang probinsya. Binaril din sya, at patay na daw bago pa man sya bumagsak sa lupa.

Personal kong nakilala ko si Ka Fedie. Isang maliit, payat at masayahing Kasama. Siguro may 50 na taong gulang na sya, pero mahirap malaman ang edad nya sa tingin lang dahil makulit sya at magiliw. Palabiro, mahilig magpatawa.

Naging estudyante ko sya sa isang speakers/propaganda-media training nung ako'y nasa KMU pa. Sya ang naging pinakapaborito kong estudyante dahil mahusay syang magpahayag : pagkaliit-liit na mama, ang tapang at talim magsalita! May ngiti palagi ang kanyang mga pilyong mata. Para syang dwende na naging taga-lupa, at pag nasa entablado na sya tuwing transport strike o noise barrage ang PISTON, ayun si Ka Fedie - nagpupuyos ang damdamin sa gobyernong walang kwenta!

Tuwing nakikita ko si Ka Fedie, lagi nya akong binibiro at tinatawag na "ma'am."

Wala na akong maisulat. Tumutulo na ang sipon ko at luha. Parang pinipisil ang puso ko at gusto kong sumuka sa lungkot at galit. Mula kagabi hanggang kaninang alas-6, TATLONG aktibista at dalawang alyado at masa ang pinatay ng berdugong gobyerno, ng berdugong militar. Walang halaga, walang kwenta ang buhay para sa gobyernong ito. Gloria, Impyerno ang ngalan mo. Kahit isang salita nang kondemnasyon sa pamamaslang sa mga sibilyan, wala kang binitiwan. Kung may kagyat na silbi at epekto ang mga
panalangin, nananalangin kaming lamunin ka na ng kadilimang hatid at sumpa mo sa buhay ng mamamayang Pilipino. Magdusa ka nawa nang matindi -- lampas sa isang libong beses ang hapdi ng mga sugat ng masang hinahagupit ng mga patakaran mo at polisiya. Santa patrona ka ng mga demonyo. Hipokritang sumasamba sa itim na altar, diyosa ng kaswapangan sa kapangyarihan.Ibabalik ka din sa impyernong iyong pinagmulan.#

2 comments:

  1. Sad. Martial Law is at hand.

    ReplyDelete
  2. I enjoyed you blog about custom probiotics. I also have a site about custom probiotics which makes me appreciate this one even more! Keep up the good work!

    ReplyDelete

Note: Only a member of this blog may post a comment.